LTO Official, Sinuspinde dahil sa pagkasangkot sa Fake Registration ng sasakyan!

Isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) sa Catbalogan City, Samar ang pinatawan ng 90 araw na Preventive Suspension matapos masangkot sa pekeng pagrerehistro ng sasakyan.

Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, ang suspension order ay ipinataw dahil sa “Gross Neglect of Duty and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service”. Ang nasabing empleyado ay inireklamo ng isang may-ari ng sasakyan noong Enero ng taong ito, matapos malaman na illegal na nailipat ang ownership ng kanyang sasakyan nang walang pahintulot.

Ang reklamo ay nag-ugat nang malaman ng babaeng complainant na ang kanyang sasakyan ay bigla na lamang nakapangalan sa ibang tao, kahit hindi niya ito ipinagbili o ipinasa sa sinuman.

Sa imbestigasyon na isinagawa ng ahensya natukoy na peke ang mga dukomento at irregular ang transaksyon na naganap sa pagproseso ng transfer of ownership.

Bilang tugon, sinuspinde ni Mendoza ang empleyado batay sa isinumiteng mga dukomento na nagpapatunay na peke ang transaksyon na pinangasiwaan ng naturang empleyado.

(Jovan Casidsid)