Arestado ng NBI ang Isang Lalaki sa Angono, Rizal dahil sa Kasong Rape at Paglabag sa R.A.7610

Alinsunod sa adhikain ng pamahalaan na protektahan ang mga bata laban sa lahat ng uri ng krimen, ang National Bureau of Investigation-Cavite District Office North (NBI-CAVIDO North), sa pamumuno ni NBI Director JUDGE JAIME B. SANTIAGO (Ret.), ay nagsagawa ng isang hot pursuit operation upang huliin ang isang lalaki sa Angono, Rizal. Ang suspek ay inaresto dahil sa kasong rape at paglabag sa Republic Act No. 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act).

Isinagawa ang operasyon matapos makarating sa NBI ang reklamo ukol sa pang-aabusong seksuwal na ginawa ng suspek, na tiyo ng biktima, sa loob ng pitong taon. Ayon sa biktima, nagsimula ang pang-aabuso noong 2018, nang siya ay pitong taong gulang pa lamang. Mula noon, madalas siyang abusuhin ng suspek, na kung minsan ay halos araw-araw nangyayari. Sa isang masinsinang pag-uusap sa kanyang ina, ibinunyag ng biktima ang matagal niyang paghihirap at isinalaysay ang ginawa sa kanya ng kanyang tiyo.

Matapos ikuwento ng biktima sa mga ahente ng NBI-CAVIDO North ang pinakahuling pang-aabusong naganap noong July 7, 2025, agad na isinagawa ang hot pursuit operation. Noong July 8, 2025, nadakip ang suspek at dinala sa Taytay, Rizal Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.  

Pinuri ni Director Santiago ang mga ahente ng NBI-CAVIDO North sa matagumpay na operasyon, na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek. Ang kanilang determinasyon at mabilis na aksyon ay naging mahalaga upang matiyak ang hustisya.

(Larry Rosales)

 

(Photo Courtesy of NBI fbpage)