20 ANYOS NA LALAKI, NAHULIAN NG SHABU SA URBIZTONDO, PANGASINAN

IKA-18 ng Hulyo, 2025, bandang 11:10 ng gabi, tumawag si Brgy. Chairman Christopher Vallo ng Brgy. Pasibi West, Urbiztondo, Pangasinan, upang iulat sa Urbiztondo Police Station ang pagkakahuli sa isang 20-anyos na lalaki na pinaghihinalaang may dala na dalawang heat-sealed na plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na sangkap, posibleng shabu. Ayon sa ulat, ang nasabing lalaki ay isang poultry boy sa AGG-CT Farm sa kanilang barangay.

  Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng pulisya, kung saan isinuko sa kanila ng mga security guard ng farm ang suspect na si James Samson Samson, 20 taong gulang, single, at residente ng Sitio Kusap, Brgy. Pasibi West.

  Batay sa paunang imbestigasyon, nakita ng guard na si Joemari Mendoza Rosal na nakipag-usap ang suspect sa isang lalaki sa labas ng gate ng farm. Pagbalik nito, sinuri ni Joemari ang lalaki ayon sa patakaran ng farm, at doon niya natagpuan ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu sa bulsa ng kanang shorts nito. Tinatayang nasa 0.2 gramo ang timbang ng nakumpiskang ilegal na droga, na may halagang PhP1,360.

  Dahil dito, agarang inaresto ang suspect at iniharap sa mga awtoridad. Ang mga ebidensya ay maayos na minarkahan, kinuhanan ng litrato, at inimbentaryo sa harap ng mga barangay officials, media representative, at ng suspect mismo.

Dinala ang lalaki sa Rural Health Unit ng Urbiztondo para sa medical examination bago ipinasok sa istasyon ng pulisya para sa karampatang aksyon.

  Nadala narin ang suspect at ang mga ebidensya sa Pangasinan Forensic Unit sa Lingayen, Pangasinan, para sa drug test at laboratory examination.

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Edizon Cancino)