500K REWARD KAPALIT NG IMPORMASYON TUNGKOL SA PAGPATAY NG ISANG ESTUDYANTE SA ISABELA
NAG-ALOK si Senador Raffy Tulfo ng kalahating milyong piso bilang pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa pumatay kay Maehyezine Concepcion, isang 19-taong-gulang na estudyante ng Ifugao State University.
Ang biktima ay natagpuang patay at nakabalot sa kumot sa bayan ng San Mateo, Isabela, na nagdulot ng matinding kalungkutan at pangamba sa kanyang pamilya at komunidad.
Ayon sa PNP Alfonso Lista, may dalawang indibidwal na kasalukuyang itinuturing na “Persons of Interest” sa kaso, kabilang ang tiyuhin ng biktima na si Ali Ahmed. Inihayag ng ina ni Maehyezine na mayroon umanong hindi magandang relasyon ang kanyang anak at si Ahmed, at nakatanggap pa ito ng mga mensahe na may halong pananakot.
Dagdag pa rito, minsan daw ay inanyayahan ni Ahmed ang biktima na tumakas patungong Maynila. Ang motorsiklo na sinasakyan ni Maehyezine nang siya ay nawala ay natagpuan malapit sa bahay ni Ahmed, na lalong nagpaigting ng hinala sa kanya.
Upang mapabilis ang imbestigasyon, iminungkahi ni Senador Tulfo na isailalim sa polygraph test ang mga taong sangkot at makipagtulungan ang lokal na pulisya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Naniniwala ang pamilya Concepcion na ang malaking halagang iniaalok na reward ay makahihikayat sa mga potensyal na saksi na magsalita at tuluyang mabigyang-katarungan ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
“Hindi tayo titigil hanggang makamit ang hustisya para kay Maehyezine,” pahayag ni Senador Tulfo, na nananawagan din sa publiko na maging alerto at magbahagi ng anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso.
Patuloy ang pag-asa ng pamilya at mga awtoridad na sa lalong madaling panahon ay matutukoy at mapaparusahan ang mga responsable sa karumal-dumal na krimeng ito. (Weng Torres)
