Bagong Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa isabela Bukas Na!

Ilagan City, Isabela | Pormal nang pinasinayahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang bagong gusali ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) na matatagpuan sa Calamagui 2nd, Lungsod ng Ilagan, katabi ng Gov. Faustino N. Dy Sr. Memorial Hospital.

Ang nasabing pasilidad ay magsisilbing pangunahing tanggapan ng mga kawani ng health office at inaasahang magpapabilis at magpapahusay sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.

Pinangunahan ni Provincial Administrator Christopher Mamauag ang seremonya ng pagbubukas, na nagbigay-diin sa pangako ng pamahalaang panlalawigan na patatagin ang imprastruktura para sa kalusugan. Pinasalamatan din niya ang Gov. Faustino N. Dy Sr. Memorial Hospital sa patuloy nitong pagbibigay ng dekalidad na serbisyong medikal.

“Kailangan nating harapin ang mga hamon sa ating healthcare system. Ito ay isang paraan upang ipakita natin sa ating mga kababayan na tunay na nagmamalasakit ang pamahalaang panlalawigan sa kanilang kalusugan at kabuuang kapakanan,” pahayag ni Mamauag.

Binigyang-pansin din ni Provincial Health Officer II Dr. Nelson Paguirigan ang kahalagahan ng bagong gusali bilang patunay sa patuloy na pagsisikap ng lalawigan na palawakin ang kakayahan nito sa pagtugon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng publiko.

Dinaluhan ang inagurasyon at pagpapala ng gusali ng mga department head ng Pamahalaang Panlalawigan, mga panauhin, at kawani ng IPHO, na sama-samang sumaksi sa mahalagang hakbang na ito para sa lalawigan.

Ang bagong IPHO building ay inaasahang magbibigay ng mas maayos at episyenteng serbisyo para sa mga Isabeleño, lalo na sa panahon ng mga krisis pangkalusugan. (Weng Torres)