BISLIG City, Surigao del Sur | Nasawi ang isang lokal na brodkaster matapos tambangan ng mga di-kilalang salarin sa Barangay Mangagoy, Bislig City nitong Lunes ng umaga, Hulyo 21, 2025.

Kinilala ang biktima na si Erwin Segovia, mas kilala sa tawag na “Boy Pana”, na tagapagbalita ng DxCb 98.5 FM.

Ayon sa ulat ng Bislig City Police Station at ng Surigao del Sur Provincial Police Office (SDSPPO), sakay ng kanyang motorsiklo si Segovia nang bigla siyang atakihin ng mga armadong lalaki, na sakay rin ng mga motorsiklo, bandang 7:00 ng umaga.

Naganap ang pamamaril sa isang bahagi ng highway sa Mangagoy, na agad nagresulta sa pagkamatay ng brodkaster. Mabilis na umanong tumakas ang mga salarin, at patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.

Naglabas ng pahayag ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), na kinondena ang karahasan at nanawagan sa pamahalaan na siguruhing mabibigyan ng katarungan ang biktima. (Tito Lucas)