ITINAGUYOD NG DILG AT DICT ANG E-GOVERNANCE SA PAGSASANAY SA WEB MANAGEMENT PARA SA MGA LGU NG CORDILLERA

LUNGSOD NG BAGUIO | Bilang bahagi ng pagsusulong ng mas epektibong e-governance sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon, nagdaos ng pagsasanay sa Web Content Management ang Department of the Interior and Local Government–Cordillera (DILG-CAR) at Department of Information and Communications Technology–CAR (DICT-CAR) noong Hulyo 7-11, 2025 sa lungsod na ito.

Pinondohan ng DICT-CAR at ipinatupad sa pamamagitan ng Ipeyas Knowledge Sharing Session ng DILG-CAR. Ang limang araw na pagsasanay ay dinaluhan ng labing-isang (11)  kawani ng lokal na pamahalaan mula sa anim na lalawigan ng Cordillera.

Layun nito na palakasin ang kakayahan ng mga Information Technology Officers at iba pang kawani sa pamamahala ng web content gamit ang WordPress.

Pinangunahan ni Dun Vincent Bueno, Chief ng ICT Literacy and Competency Development Section ng DICT-CAR, ang mga talakayan tungkol sa content publishing at management, search engine optimization, domain at sub-domain configuration, at pag-deploy ng mga website sa government web hosting services, bukod sa iba pa.

Ang pagsasanay na ito ay bahagi ng tugon sa isang kamakailang survey ng dalawang ahensya ng gobyerno na nagsiwalat na nahihirapan pa rin ang maraming LGU sa pagpapanatili at pamamahala ng kanilang mga website dahil sa limitadong kaalaman at kakulangan sa mga oportunidad para sa capacity-building.

Ipinaliwanag ni DILG-CAR Regional Director Atty. Anthony C. Nuyda na mahalagang magkaroon ng malakas na online presence ang mga LGU upang maitaas ang transparency at accountability, lalo na sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko tungkol sa kanilang mga operasyon.

“Kailangang mas agresibong tanggapin ng ating mga LGU ang epektibong e-governance practices. Dapat nilang masabayan ang patuloy na pagbabago sa paraan ng pakikipag-ugnayan ng kanilang mga nasasakupan sa pamahalaang lokal,” pahayag ni RD Nuyda.

Dagdag pa ni Director Nuyda, ang e-governance ay sumusuporta sa adhikain ng administrasyon para sa Ease of Doing Business (EODB), kung saan maraming LGU ang nagsisimula nang mag-digitalize ng ilang serbisyo upang mas maging accessible ito sa publiko.

Nagpasalamat din ang hepe ng DILG Cordillera sa DICT-CAR, sa pamumuno ni Regional Director Engr. Reynaldo T. Sy, sa pagtutulungan sa nasabing aktibidad, na nagpapakita ng kahalagahan ng kolaborasyon ng iba’t ibang ahensya para sa mabuting pamamahala.

Kasabay ng kanilang adhikain para sa mas matibay na e-governance, pinapaalalahanan ng DILG-CAR at DICT-CAR ang mga LGU na siguraduhin ang mas malakas na cybersecurity measures upang maiwasan ang anumang banta sa kanilang ICT ecosystem.  (Fernando Pre/DILG-CAR)