Mahigit P5.2 Milyon Pinsala sa Agrikultura ng Pangasinan Dulot ng Bagyong “Crising” at Habagat

Lingayen, Pangasinan | Umabot sa mahigit P5.2 milyon ang pinsalang idinulot ng pinagsamang Southwest Monsoon (Habagat) at Tropical Cyclone “Crising” sa sektor ng agrikultura ng Pangasinan, batay sa paunang ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO). Kasama rito ang halos P969,800 na pinsala sa mga alagang hayop, habang nasa P155 milyon naman ang nasirang mga imprastruktura, ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino.

Ang mga pananim na palay, lalo na ang mga bagong tanim, ang pinakaapektado. Mayroon ding mga ulat ng nasirang high-value crops tulad ng sibuyas, partikular sa Central Pangasinan. Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang kabuuang epekto nito sa mga magsasaka.

Samantala, matamang binabantayan ng PDRRMO at mga Search and Rescue (SAR) teams ang sitwasyon ng pagbaha sa lalawigan. Nakataas ang alerto sa ilang ilog, kabilang ang Marusay River na umabot sa critical level kamakailan, at ang Camiling River na maaaring magdulot ng pagbaha sa mga bayan ng Mangatarem, Aguilar, at Bugallon kung patuloy itong tataas. Binabantayan din ang Sinucalan River at Pantal River sa Dagupan City.

Ayon kay Vice Governor Lambino, ang baha sa mga timog barangay ng Umingan hanggang sa ilang bahagi ng Balungao ay galing sa pag-apaw ng tubig mula sa river system ng Nueva Ecija.

Kasabay nito, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at ahensya upang masiguro ang agarang tulong sa mga nasalanta. Inaasahang lalabas ang mas detalyadong ulat sa mga susunod na araw habang patuloy ang pagtataya ng pinsala. (Villy Vallejo)