MOST WANTED, NADAKIP SA CAPAS, TARLAC
NADAKIP ang isang 68-taong-gulang na lalaki, na si Loreto Manipon Ramos, may asawa at walang trabaho, sa Barangay Pies, Dolores, Capas, Tarlac noong Hulyo 19, 2025.
Siya ay hinuli sa bisa ng Arrest Warrant na inilabas ni Hon. Junius F. Dalaten, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 50, Villasis, Pangasinan, noong Disyembre 22, 2023, kaugnay ng kasong Statutory Rape (Criminal Case No. V-3134).
Ang operasyon ay pinangunahan ni Police Major Mark D. Tubadeza, Chief of Police (COP) ng Alcala Pangasinan Police Station (PS). Halos dalawang taon nang minamanmanan ng kanyang tropa ang naturang akusado.
Ayon kay Maj. Tubadeza, walang hadlang o dahilan upang hindi ipatupad ang batas, kaya’t patuloy silang nagsumikap para matunton at mahuli ang nasabing indibidwal.
Ayon sa RA 11648, ang Statutory Rape ay tumutukoy sa pang-aabusong seksuwal sa pamamagitan ng sexual intercourse sa isang indibidwal na 16 taong gulang pababa. Sa ilalim ng Revised Penal Code, ito ay may parusang reclusion perpetua o panghabang-buhay na pagkakakulong. (Edizon Cancino)
