PATONG-PATONG NA KASO ISINAMPA LABAN SA DRIVER NG ELF KAUGNAY NG MALAGIM NA AKSIDENTE SA AURORA, ISABELA

Nagpahayag ng pakikiramay ang LGU Tabuk, Lokal na Pamahalaan ng Aurora, at Isabela Police Provincial Office (IPPO), sa pamilya ng mga nasawi sa malagim na aksidenteng nangyari noong Hulyo 19 sa Aurora, Isabela.

Ayon kay Police Captain Terrence Tomas, Public Information Officer ng IPPO, isinampa na ang patong-patong na kaso laban sa driver ng elf truck sa pamamagitan ng inquest proceedings, at hinihintay na lamang ang resolusyon mula sa tanggapan ng fiscal sa Roxas, Isabela.

Nakalahad na rin ang mga dokumento at ebidensya, kabilang ang kumakalat na CCTV footage sa social media.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, ngunit sa kasalukuyan, itinuturing na human error ang pangunahing sanhi ng aksidente.

Binigyang-diin ni Police Captain Tomas na negatibo sa alkohol at droga ang driver ng elf truck at ang nakaligtas na driver ng Toyota Hi-ace van matapos sumailalim sa medical examination.

Samantala, naiuwi na ang mga labi ng mga nasawi sa kani-kanilang pamilya, habang ang mga nasugatan ay stable na ang kalagayan.

Nasa kustodiya ng Aurora Police Station ang driver ng elf truck at sinampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide, Serious Physical Injury, and Damage to Property.

Pinapaalalahanan ni Police Captain Tomas ang mga driver na maging disiplinado sa pagmamaneho, lalo na sa gabi o madaling araw, upang maiwasan ang mga ganitong trahedya. (Weng Torres)