MULA sa pagiging kontrobersiyang artista, dinala ito ni Robin ‘Binoe’ Padilla hanggang sa bulwagan ng mataas na kapulungan ng Kongreso, nang siya’y maging number one senator, nu’ng 2022 presidential elections.

Bagama’t hindi maiwasang mabatikos lalo na mula sa masa, sanhi ng kanyang pagiging mapusok pagdating sa mga komentong medyo lumilihis sa parliamentong proseso, agad naman siyang humihingi ng dispensa sa kapuwa niya mambabatas sa mga pagkukulang niyang iyon at ganoon din sa masang nagluklok sa kanya sa tungkulin.

Bilang sikat na artista, at sa rami ng kanyang mga naging leading lady, hindi maiwasang siya’y ma-link romantically noon,  particular kina Sharon Cuneta (“Maging Sino Ka Man”), Regine Velasquez (“Kailangan Ko’y Ikaw”), pero nagkaroon sila ng tila seryosong relasyon noon ni Vina Morales sa kanilang dalawang pinagsamahang pelikula.

Sa kalaunan, siya ay nagpakasal kay Mariel Rodriguez sa pamamagitan ng Muslim rites, nang magtagpo ang kanilang landas sa bakuran ng ABS-CBN. At meron na silang dalawang anak na babae.

Batid ng sambayanan na diehard supporter si Robin ni ex-President Rodrigo Duterte, at nu’ng kamakailan ay kanyang ipinagsigawang ‘kahit sunugin niyo ako, ako’y mangangamoy na Rodrigo Duterte’, something to that effect, na muling lumikha ng alingasngas na pati kapuwa niya Senador ay pinuna siya.

Kusa na ring nawala ang nasabing issue at siya’y nag-resign bilang presidente ng PDP-Laban at pumalit ang anak ni Digong.

Samantala, wala pang planong gumawa ng pelikula si Binoe sa malapit na panahon at sa pagka-Senador muna siya nakatutok. Pero hindi ibig sabihin na tatalikuran na niya ang buhay showbiz.

“Hindi ko iiwanan ang pelikula o ang showbiz. Dyan ako nakilala at nagkaroon ng malaking pangalan na siya kong naging puhunan kaya ako nakapasok sa pulitika,” pagdidiin ng actor-turned Senator. (Anthony Solis)