DIWA NG BAYANIHAN: Ipinamalas ng MMP sa Repacking Activity ng DSWD sa Pasay

Pasay City | Buong-pusong ipinamalas ng Malayang Mamamayang Pilipino (MMP) ang diwa ng bayanihan sa kanilang boluntaryong pakikiisa sa repacking activity ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga biktima ng mga nagdaang bagyong Crising, Dante, at Emong. Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa NAIA Chapel sa Pasay City ngayong araw.

Pinangunahan ni National Chairman Mrs. Yolanda Lumaban, ang mga miyembro ng MMP ay nagkaisa upang mag-ambag ng oras at lakas sa paghahanda ng mga relief goods para sa mga apektadong pamilya. Sa pamamagitan ng maayos na pagre-repack ng mga pangunahing ayuda tulad ng bigas, de-lata, at iba pang essential items, tiniyak ng grupo na mabilis at episyenteng makakarating ang tulong sa mga nangangailangan.

“Ito ay bahagi ng aming adhikain na maglingkod at tumulong sa mga nangangailangan at sa administrasyon nang walang hinihintay na kapalit. Ang bayanihan ay hindi lamang tradisyon kundi puso ng pagiging Malayang Mamamayang Pilipino” pahayag ni Lumaban.

Ang aktibidad ay bahagi ng mas malawakang relief operations ng DSWD upang matugunan ang agarang pangangailangan ng mga komunidad na sinalanta ng mga bagyo. Sa tulong ng mga boluntaryong organisasyon tulad ng MMP, patuloy na nagiging posible ang mas mabilis at mas epektibong pagtugon sa krisis.

Sa gitna ng mga hamon, ang dedikasyon ng mga grupong kagaya ng MMP ang nagpapaalab ng pag-asa at pagkakaisa, tunay na diwa ng bayanihan sa panahon ng pangangailangan.

(Darwell Baldos para sa RoadNews)