Mayor Allan de Leon Humiling na I-deklarang State of Calamity Ang Taytay Dahil sa Malawakang Pagbaha.
TAYTAY, RIZAL – Hiniling ni Mayor Allan De Leon sa Sangguniang Bayan ng Taytay na magdeklara ng State of Calamity upang mas mapabilis ang pagtulong sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng patuloy na pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan at dumarating na bagyo.
Ayon sa ulat, ang mga baha sa iba’t ibang barangay ay nagdulot ng pinsala sa mga tahanan, kabuhayan, at imprastraktura. Dahil dito, namahagi na ang Taytay Local Government Unit (LGU) ng mga relief packs sa mga apektadong pamilya. Nagpasalamat din ang alkalde sa kooperasyon at tibay ng mga Taytayeno sa gitna ng krisis.
Bilang bahagi ng paghahanda, nagdaos ang LGU ng Command Conference kasama ang iba’t ibang ahensya upang masiguro ang mabilis at epektibong pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente. Sakop rin ng pagpupulong ang mga hakbang para sa posibleng paglala ng sitwasyon dulot ng patuloy na pag-ulan.
Kung maaprubahan ang deklarasyon ng State of Calamity, magkakaroon ng karagdagang pondo at suporta mula sa pamahalaang panlalawigan at nasyonal para sa rehabilitasyon at tulong pinansyal sa mga biktima.
Nanawagan si Mayor De Leon sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga paalala ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang anumang sakuna.
(Buboi Patriarca nag-uulat para sa RoadNews)

