P216-M PEKENG TSINELAS AT SAPATOS, NASABAT SA PAMPANGA
mi Nelle de San Jose
Mahigit PHP216 milyong halaga ng mga pekeng branded na tsinelas at sapatos ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang bodega sa Brgy. Balucuc, Apalit, Pampanga nitong kamakailan.
Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Pampanga at Apalit Municipal Police Station ang operasyon sa naturang lugar.
Nakumpiska ang 181 kahon ng pekeng rubber footwear na may tatak ng Crocs, 30 sako ng rubber resin, apat na set ng heavy machinery, at iba’t ibang dokumento ng negosyo.
Tinatayang umabot sa ₱216,305,000.00 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam.
Isasailalim naman sa wastong disposal ang mga nakuhang pekeng produkto.
Samantala, hindi naabutan sa lugar ang suspek na kinilalang alyas “Geraldine” at patuloy siyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Sa kabilang banda, binigyang puri naman ni PNP ChiefJose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga kapulisan sa matagumpay na operasyon.
“Hindi tayo papayag na lokohin ang publiko. Counterfeit products do not only harm legitimate businesses, they also put consumers at risk,” giit ni Nartatez.

