TAAS-PRESYO SA GASOLINA, DIESEL AT KEROSENE, AARANGKADA NA

Ni Nelle de San Jose

Nakatakdang tumaas ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene ngayong miyerkules, March 3  dahil sa supply chain effect nang tumitinding gyera sa Middle East.

Ayon sa abiso ng Seaoil, ang gasolina ay tataas ng PHP1.90 kada litro, diesel PHP1.20, at kerosene PHP1.50.

Ito na ang ika-walong linggo ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, na nagdudulot ng pangamba sa mga konsyumer.

“Ang sunod-sunod na pagtaas ay pinalalala ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan,” giit ni Rizal Commercial Banking Corp. Chief Economist Michael Ricafort.

Samantala, ang biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa global market ay dulot umano ng serye ng pag-atake sa Middle East.

Matatandaang pinangunahan ng Estados Unidos at Israel ang mga pag-atake sa Iran, na ikinamatay umano ni Iran Supreme Leader Ali Khamenei.

Sinundan ito ng mga counter attacks ng Tehran, na nagdulot ng dagdag na tensyon sa buong rehiyon.

Dagdag pa ni Ricafort, humina rin ang dolyar ng Estados Unidos sa merkado. Ang pagbagsak ng halaga ng dolyar ay isa ring dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng langis sa lokal na merkado.

Payo naman ng ekinomista sa publiko na maaaring magdulot ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis ng dagdag-singil sa mga bilihin at serbisyo, lalo na sa transportasyon.

“Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay magreresulta sa mas mataas na presyo sa mga gasolinahan at bahagyang pagtaas ng kabuuang antas ng implasyon.”

Dagdag niya, dapat ay manatiling alerto ang publiko sa posibleng pagbabago-bago ng presyo ng langis at enerhiya hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa global market.