QUIMBO: ISUSPINDI ANG EXCISE TAX SA LANGIS NGAYON NA — KONGRESO, UMAGAP BAGO SUMIRIT ANG PRESYO
ni Iza Aldana
Nanawagan si Atty. Miro Quimbo, Chairperson ng House Committee on Ways and Means, na agarang isuspindi ang excise tax sa produktong petrolyo upang maprotektahan ang mga konsyumer sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan at banta ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng krudo.
Ayon kay Quimbo, hindi dapat hintayin na tuluyang sumirit ang presyo bago kumilos ang pamahalaan. “Panahon na para umagap bago pa lalong mabigatan ang taumbayan,” diin niya.
Gayunman, nilinaw ng mambabatas na hindi sapat ang executive action lamang upang maisuspindi ang excise tax sa langis. Sa ilalim ng umiiral na batas, kailangan ng Pangulo ng malinaw na awtoridad mula sa Kongreso upang ipatupad ang naturang hakbang.
Dahil dito, iginiit ni Quimbo na dapat agad magpasa ang Kongreso ng panukalang magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na pansamantalang isuspindi ang fuel excise tax sa panahon ng extraordinary circumstances — may kalakip na malinaw at nasusukat na trigger mechanisms upang maiwasan ang pang-aabuso at matiyak na nakabatay ito sa aktuwal na pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Para sa kampo ni Quimbo, hindi lamang ito usapin ng ekonomiya kundi ng paninindigan sa panig ng mga ordinaryong mamamayan — mga drayber, manggagawa, at maliliit na negosyong direktang tinatamaan ng taas-presyo sa produktong petrolyo.
“Kung may panahon para kumilos, ito na iyon,” aniya, sabay babala na kapag naantala pa ang aksyon, ang direktang sasalo ng bigat ay ang mga pamilyang Pilipino.


