Fuel Subsidy Program sa PUV drivers, babaguhin vs krisis sa Middle East – Gatchalian

Ni Ernie Reyes

Rerebisahin ni Senador Win Gatchalian ang ‘trigger formula’ ng subsidiya sa gasolina para sa sektor ng pampublikong transportasyon upang maprotektahan ang mga PUV drivers sa tuwing may sigalot sa Gitnang Silangan.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, na imbes na isang ‘fixed price threshold’ ang batayan ng pamimigay ng fuel subsidy, gawin na lamang itong batay sa isang ‘percentage-based system’ upang mas mabilis ang pamimigay ng tulong sa driver ng public utility vehicle (PUV) sa gitna ng inaasahang serye ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa ilalim ng kasalukuyang programang Pantawid Pasada, ibinibigay lamang ang subsidiya kapag ang presyo ng langis sa mundo ay umabot na sa $80 kada bariles.

Iminumungkahi ni Gatchalian na ang isang tiyak na porsyento ng pagtaas ng presyo sa loob ng isang linggo ay dapat awtomatiko nang maging trigger factor para ilabas agad ang subsidiya sa mga PUV driver.

Inaasahang tataas nang malaki ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa mga susunod na araw dahil sa patuloy na sagupaan sa Middle East. Ang Dubai crude oil ay huling nagsara sa halagang $68.34 bawat bariles. 

Ayon kay Gatchalian, ang ‘percentage-based trigger’ ay magbibigay-daan sa gobyerno na maglabas agad ng subsidiya kapag may biglaang pagbabago sa presyo, sa halip na maghintay pang umabot ito sa isang itinakdang halaga.

“Mabilis ang pagtaas ng presyo ng langis pero hindi naman mabilis ang pagtaas ng pamasahe dahil nire-regulate din ito ng LTFRB kaya ang mga naiipit dito ay ang mga PUV drivers,” ani Gatchalian.

Nais din ng chairperson ng Senate Finance Committee na magsagawa ng oversight upang matukoy ang dahilan ng pagkaantala sa paglalabas ng pondo ng Pantawid Pasada noong mga nakaraang pagkakataon.