ARMAS NG TERORISTANG GRUPO, NADISKUBRE NG MGA SUNDALO SA SURIGAO DEL SUR

Ni Nelle de San Jose

Nasamsam ng mga sundalo ang apat na matataas na kalibreng baril, mga bala at ilang personal na gamit na itinago umano ng komunistang New People’s Army (NPA)  sa San Miguel, Surigao del Sur.

Ayon sa pahayag nitong sabado ni commander Col. Glenn Joy Aynera, nadiskubre ang mga armas sa  isinagawang operasyon sa bulubunduking bahagi ng Barangay Carromata.

Kabilang sa mga nasabat ang tatlong M16A1 rifles at isang Colt M4 rifle.

Bukod dito, narekober din ng mga awtoridad ang 173 piraso ng bala, mga magasin, bandolier, backpack at iba pang personal na gamit ng mga NPA.

Ayon naman kay Maj. Gen. Michele Anayron, ang karagdagang pagkakadiskubre ng isang imbakan ng mga armas ay sumasalamin sa patuloy na tagumpay ng mga nakatuong operasyong militar laban sa mga grupong terorista.

Matatandaang kamakailan ay nauna nang nakarekober ng mga sundalo ang mga ipinagbabawal na armas na  pag-aari umano ng kaparehong grupo ng mga rebeldeng NPA sa naturang lugar.

Bunsod nito, nanawagan ang mga awtoridad sa mga NPA o teroristang grupo sa lugar na sumuko na.

Sisiguraduhin umano ng pamahalaan na bibigyang suporta ang mga ito para muling makapagsimula ng mapayapang komunidad at pamilya.