P264 Milyon Para sa Isang Rockshed na hindi kapakipakinabang?

Hindi ba tayo nagtataka kung bakit ang rockshed sa Kennon Road na nagkakahalaga ng P264 milyon ay mukhang hindi kapakipakinabang? Samantalang yung rockshed sa Marcos Highway na mas matanda pa sa mga estudyanteng college ngayon sa University of Baguio ay matibay pa rin hanggang ngayon. Dapat bang maghinala tayo na may nangyaring kalokohan sa proyektong ito?
Kung talagang pinag-aralan nang maayos ang proyektong ito, bakit hindi nila ginaya ang matagumpay na disenyo ng rockshed sa Marcos Highway? Bakit parang mas pinili ang murang solusyon na posibleng mas malaking gastos din in the long run? Dapat bang tanungin natin kung saan napunta ang pondo at kung bakit parang palpak ang resulta?

Kita sa kumakalat na larawan na parang pinatong lang ang rockshed sa buhangin at walang mga nakabaong pundasyon ang mismong rockshed. Dahil sa naubos ng rumaragasang tubig ang lupa sa ilalim ng rockshed lumitaw na walang pundasyon ang nasabing proyekto.
At bakit sa parteng bukana ng rockshed bumagsak ang land slide, at kita sa mga videong kumakalat ang mga naglalaglagang malalaking tipak ng bato dun sa mismong bukana ng rockshed. Kulang ata sa haba ang proyekto?

Alam naman siguro ng mga nagplano at nag design sa proyekto na ang malaking dahilan ng landslide ay ang rumaragasang tubig sa Bued river sa ibaba ng rockshed. Bakit hindi naisip ng mga eksperto at opisyal na mas magandang solusyon ang paggawa ng tunnel o pag-reroute ng kalsada? Mas mahal nga, pero siguradong tatagal. Ang tanong: mas importante ba sa kanila ang makatipid kaysa sa kaligtasan ng mga motorista sa hinaharap?
Hindi ba dapat imbestigahan kung may naganap na korupsyon sa proyektong ito? Kung ang rockshed ay babagsak din lang pagkatapos gumastos ng milyon-milyon, sino ang dapat managot? O sasabihin na lang nila na “act of God” ang dahilan para walang masisisi?
Sa huli, hindi ba’t parang mas magaling pa ang mga ordinaryong tao na nakakaalam ng tunay na kalagayan ng Kennon Road kaysa sa mga opisyal na pumirma sa proyektong ito? Dapat ba nating isipin na may posibleng kumapal ang bulsa dahil sa proyektong ito?
