PANUKALA NI SEN. ROBIN PADILLA NA AMYENDAHAN ANG JUVENILE JUSTICE LAW, TAMA AT NAPAPANAHON BA?

kspho

SA isang bansang punong-puno ng batas pero kulang sa hustisya, hindi ba’t nakakapangamba na pati mga bata ay nagiging kasangkapan ng krimen? Kung ang argumento ng mga kritiko ay “hindi pa handa ang isip ng bata,” bakit tila handang-handa naman silang gamitin ng mga sindikato para maghasik ng karahasan? Hindi ba’t mas malala ang mensahe nito: na ang batas mismo ang nagbibigay ng kalasag sa mga kriminal na menor de edad?

Sinasabi nina Leila de Lima at Chel Diokno na “hindi solusyon ang pagbaba ng edad ng criminal responsibility.” Pero kung ang problema ay ang sistema, kulang sa social workers, palpak na rehab, at bulok na justice system, hindi ba’t dapat simulan na rin nating ayusin ang batas na mismong nagpapalusot sa mga batang ginagamit ng mga sindikato? O mas gusto pa rin nilang hintayin na may isa pang menor de edad ang pumatay, magnakaw, o magbenta ng droga, na malayang gumagala sa lansangan bago tayo kumilos?

At sino ba talaga ang dapat protektahan? Ang batas ba ay para sa mga biktima, o para sa mga batang kriminal na pwedeng ma-rehab ngunit sa halip ay walang takot na pinapabalik sa lansangan? Kung ang Juvenile Justice Law ay naging “license to kill” para sa mga organisadong grupo, hindi ba’t oras na para baguhin ito?

O baka naman takot lang tayong aminin na kailangan ng tougher approach? Kung si Robin Padilla, isang actionstar at minsan ding naging preso na naging senador, ang mismong nagsasabing dapat nang panagutin ang mga batang sangkot sa heinous crimes, hindi ba’t dapat pakinggan? O mas naniniwala pa rin tayo sa mga idealista na nagsasabing “hindi criminal ang bata, bigyan ng pagkakataon ang mga bata, dapat kinakausap, inaaruga, at binibigyang pag-asa” habang ang mga biktima ng karumaldumal na krimen at ang pamilya nila ay naghihintay ng tunay na hustisya?

Si Senator Robin na madalas nating kutyain dahil sa pagiging senador ng mga Duterte hindi ng bayan, at parabagang palamuti lang sa Senado, ay talaga naman nagbigay ngayon ng makahulugang paksa na dapat ay pagusapan sa plenaryo. Karamihan sa mga netizen, kasama na ako, ay humanga sa panukalang batas na ito ni Senator Binoe.  

Kaya sa huli, hindi ba’t ang tanong ay simple lang: Kung ang batas ay nagiging sandata ng mga kriminal, hindi ba’t dapat baguhin na ito? Kahit na ibig sabihin nito ay kailangan nating harapin ang masakit na katotohanan na may mga batang dapat nang managot?