Rule of Law, talo kapag SC decision sinuway vs Duterte impeachment – Lacson

Ganito ang pananaw ni Senador Panfilo Lacson sa huling desisyon ng Supreme Court hinggil sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na pinagbawalan ang Senado bilang impeachment court na didinig sa Articles of Impeachment.

Kasabay nito, nananawagan naman si Senador Alan Peter Cayetano sa lahat na magdasal at respeto sa desiyon ng SC hinggil sa impeachment trial.


Sa pahayag, sinabi ni Lacson na rule of law ang  magiging “biggest loser” kapag sinuway ang desisyon ng Korte Suprema tungkol sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ani Lacson na bagama’t susunod siya sa kapwa niyang senador kung magpasiya ang mayorya na ituloy ang impeachment trial, lilinawin niya ang kanyang posisyon sa botohan.

“Kahit anong desisyon na ilalabas, sa akin ito, kailangan igalang natin at sundin ang ruling ng Korte Suprema. Otherwise ang biggest loser dito ang rule of law. Wala na tayong kikilalanin kasi kataas-taasang hukuman na yan. Kada na lang ba magkaroon ng ruling ang Korte Suprema, hindi natin susundin, or isasantabi natin may sarili kaming pananaw diyan di namin susundin yan? Medyo magkakagulo tayo. Sabi ko nga ang matatalo rule of law. Kailangan panaigin natin lagi ang rule of law,” aniya.


Nang tinanong kung may opsyon ang Senado na panindigan ang kapangyarihan nitong hawakan ang kaso, iginiit ni Lacson na collegial body ang Senado at maaaring pagbotohan ang isyu.

“Sa aking parte, kung yan ang magiging decision ng mayorya o majority ng aking mga kasamahan, susunod din ako na ituloy ang impeachment trial. Pero sa akin lang express ako magbobotohan maliwanag ang aking boto, igalang natin ang ruling at decision ng Korte Suprema,” aniya.

Sa kabila nito, ipinunto ni Lacson na taliwas ang opinyon ng mga legal observer sa desisyon ng Korte Suprema, lalo na sa interpretasyon nito sa Art. XI Section 3, paragraph (4) – na ang pag-file ng verified complaint ng hindi bababa sa 1/3 ng miyembro ng Kamara ang mag-constitute sa Articles of Impeachment, at itutuloy na “forthwith” ng Senado ang trial.

Umaasa din si Lacson na hindi magkaroon ng kaguluhan tulad ng sinasabi ng ilan, kung hindi matutuloy ang impeachment trial.

“Huwag naman sana. Ang aking pananaw talaga ang inaasahan nating last, final arbiter, final interpreter ng Saligang Batas at kung anong usapin napapaloob dito ay ang Korte Suprema. Wala tayong maaasahan pang pwedeng mag-interpret ng batas kundi ang Korte Suprema,” aniya.

 Samantala, sinabi ni Cayetano na dapat ang maging laman ng panalangin ng mga Pilipino sa gitna ng mga hati-hating opinyon tungkol sa ruling ng Korte Suprema sa impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo.

“Lord, turuan Niyo kami, how do we be on your side? Ano ba Lord ang tama?”

Giit ng Senador, imbes na asamin nating pumanig sa atin ang Diyos, dapat ay asamin nating malaman ang tama sa mata ng Diyos at tumindig para rito.

Ayon sa desisyong inilabas ng Supreme Court (SC) nitong Biyernes, null and void ang impeachment case laban sa Bise Presidente dahil lumabag ito sa one-year bar rule sa ilalim ng Konstitusyon. 

Dahil dito, walang jurisdiction ang Senado sa kaso.

“We have to talk about everything in two contexts. One, nation-building. Number two, aligning kung anong gusto ng Panginoon sa ating bansa,” pahayag ni Cayetano.

_*Respetuhin ang Korte Suprema*_

Nagpahayag din ng pagkagulat at pagkadismaya ang senador sa mga “credible lawyers” at komentarista na nagsasabing walang karapatan ang SC na maglabas ng ruling tungkol sa constitutionality ng impeachment case.

“Gulat po ako na marami pa ring credible lawyers na imbes na sabihing ‘hintayin natin ang SC, let’s respect the SC,’ eh bago lumabas ang decision medyo tinitira-tira na ang SC [at sinasabihang] huwag makialam,” aniya.

Paliwanag ng abogadong senador, bagama’t ang Lehislatibo ang nagsasagawa ng impeachment proceedings, mandato naman ng SC na i-interpret ang batas at ang Konstitusyon, kabilang ang mga rules sa impeachment.

“Kung may question kung tama y’ung proseso, kung tama y’ung charges, kung may jurisdiction, et cetera, ‘yan po ay sa SC talaga,” aniya.

Sa mga nakaraang impeachment proceedings ay pinakinggan naman aniya ng Senado ang mga interpretasyon ng SC. 

“So nagtataka ako ba’t may mga kini-question ang role ng SC,” aniya.

Dagdag pa niya, base sa facts ang inilabas na desisyon ng Korte Suprema. 

“After the Supreme Court got all of the facts, definite ang kanilang statement,” aniya.

(Ernie Reyes para sa RoadNews)