PANGASINAN 1st PMFC AT MGA NGO, NAGHATID NG TULONG SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG EMONG SA AGNO

Ni Edizon Cancino

Agno, Pangasinan | Sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL LEONARD C. PAREDES, 1st Provincial Mobile Force Commander (PMFC) ng Pangasinan 1st PMFC, nagsanib-puwersa ang kapulisan at iba’t ibang non-government organizations (NGOs) upang maghatid ng agarang tulong sa mga residente ng Sitio Sabangan, Barangay Boboy, Agno, Pangasinan. Ang lugar ay isa sa mga lubhang naapektuhan ng paglandfall ng Bagyong Emong noong Hulyo 24, na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagkasira ng mga ari-arian.

Sa temang “Sa Sama-samang Gawa, Tagumpay ay Tiyak!”, pinangunahan ni PLTCOL Paredes ang isang Community Outreach Program kasama ang Western Pangasinan Eagles Club, Lady Professionals Eagles Club, PNPA “Sansinirangan” Class 2007, Pearl of the Orient Chaplain, NBI Alaminos, Postura Salon, at Agno Police Station. Layunin ng programa na maibsan ang hirap ng mga biktima sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga relief goods tulad ng pagkain, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan. Nagdaos din ang grupo ng feeding program para sa mga bata at senior citizens.

Binigyang-diin ni PLTCOL Paredes ang kahalagahan ng bayanihan at kooperasyon sa pagitan ng kapulisan at komunidad. “Ang pagkakaisa natin ang susi upang mas mabilis na makabangon mula sa trahedya,” pahayag niya. Dagdag pa niya, ang ganitong mga inisyatibo ay nagpapatibay sa ugnayan ng mga awtoridad at mamamayan tungo sa mas ligtas at mas matatag na lipunan.

Patuloy ang monitoring ng PMFC at lokal na pamahalaan upang matiyak na makakarating ang tulong pang-emergency sa lahat ng apektadong pamilya. Ang operasyong ito ay bahagi ng mas malawak na effort ng Pangasinan PNP at mga kasosyo nito para sa disaster response at community resilience.

Edizon Canzino nag-uulat para sa RoadNews