Lumolobong Gastos sa Basura sa Pililla, Tinutukan ni Mayor!
Ni Buboi Patriarca
Nakapagtala ng matinding pagtaas sa gastos sa paghakot ng basura ang bayan ng Pililla, Rizal. Umakyat sa P9.5 milyon ang ginastos ng munisipyo noong 2024, isang malaking pagtaas mula sa P5.6 milyon noong 2021. Sa isang pahayag, inilarawan ni Mayor John Masinsin ang kalagayan bilang nakababahala at nagdulot ng matinding pressure sa badyet ng bayan.

Ayon sa pamahalaang munisipyo, ang pangunahing sanhi ng pagtaas ng gastos ay ang mas mataas na dami ng basurang kailangang kolektahin at hakutin. Pinuna ng alkalde ang komposisyon ng tumataas na basura, na binubuo ng 31.1 porsiyentong nabubulok, 31.6 porsiyentong maaaring irecycle, 19.7 porsiyentong disposable, 8.4 porsiyentong residual, at 10.2 porsiyentong itinuturing na special waste.
Hinimok ni Mayor Masinsin ang mga residente na tumulong sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa waste segregation. Pagtitipid sa pondo ng gobyerno ang layunin nito upang maipambayad sa iba pang mahahalagang pangangailangan ng bayan. Hinikayat din niya ang lahat na maging masipag sa pagre-recycle at pagco-compost, na siya ring itinataguyod ng ipinatupad na batas sa waste segregation.
Sa pamamagitan ng wastong paghihiwalay ng basura, tinatayang 60 porsiyento ng mga basura ng bayan ay maaaring magamit muli. Ang mga recyclable na materyales ay kinokolekta ng mga barangay at maaaring ibenta sa mga junkshop para sa karagdagang kita.
Nagpatupad na rin ang pamahalaang munisipyo ng pagbabawal sa paggamit ng single-use plastics, bottled water, at iba pang plastic-packaged na produkto sa lahat ng empleyado nito. Bukod dito, mayroon nang nakatatag na telephone hotline para sa mga residente na nais mag-ulat ng mga isyu na may kaugnayan sa solid waste management. (Buboi Patriarca)
