REKLAMO VS QUARRY OPS DEDMA KAY MAYOR; MGA RESIDENTE NABABAHALA SA BANTA NG BAHA

ni Buboi Patriarca

NABABAHALA na ang mga residente ng Sitio Gulod Bayabas, Brgy. Bagumbayan sa Teresa, Rizal sa nagbabantang panganib espisipiko na ang malawakang pagbaha bunsod ng di-umano’y iligal quarry operations sa kanilang lugar.

Ayon kay Renato Tisoy, sitio chairman ng nasabing lugar, posible umanong mangyari ito anumang oras lalo pa’t patuloy na nakararanas ang lalawigan ng masamang lagay ng panahon na nagdudulot ng mga pag-ulan.

Sinabi pa ni Tisoy na dalawang linggo na umano ang nakalipas nang nagpadala sila ng sulat-petisyon kay Mayor Rodel dela Cruz ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin itong sagot sa kanilang hinaing.

Ang mga mamahayag na kasapi sa PaMaMariSan-Rizal Press Corps ay may kopya ng nasabing petisyon.

“Kami na nakalagda…ay nagrereklamo laban sa mga nagku-quarry sa bundok na pag-aari ng may-ari ng Petron sa pangunguna ni Rodel de Borja dahil sa dulot nilang pinsala sa kalsada,” sulat ng mga residente sa alkalde.

Idinagdag pa sa sulat ng mahigit 60 mga residente na sa ngayon ay hindi na umano madaanan ng mga tao sa Gulod Bayabas ang pangunahing kalsada dahil sa putik na napupunta sa daan mula sa bundok na bina-backhoe ng nasabing operasyon.

Nabuo na rin umano ang malaking imbakan ng tubig sa tuwing umuulan at posibleng magresulta sa isang flash flood at landslide at pinangangambahang maglulubog ng kanilang bahay sa gabundok na putik.

Isa pa sa ikinababahala ng mga petisyoner ay na mga sako ng lupa (sand bag) lamang ang inihaharang ng opereytor sa hukay para pigilan ang pag-agos ng tubig na sa kanilang pagtaya ay hindi sapat upang maiwasan ang sakuna.

Nariyan din umano ang pagiging madulas na ng kalsada dahil sa iniwang putik mula sa gulong ng mga dambuhalang trak na nagdulot ng panganib hindi lamang sa mga residente kundi gayun din sa mga motorista.

Ang ipinagtataka pa umano nila ay na walang quarry permit ang nasabing operasyon kundi isang development permit lamang mula sa lokal na pamahalaan ng Teresa, subalit lumalabas na quarry-style excavation na ang ginagawa.

Mistulang bangin na umano sa kasalukuyan ang hitsura ng lugar, na ayon sa mga residente ay tulad-bomba na anumang oras ay “sasabog” at magdudulot ng malawakang pinsala.

“Sana po ay matugunan ninyo agad at pansamantalang ipasara ang nasabing ‘quarry’ operation dahil sa pinsala nito sa aming komunidad,” hiling pa sa sulat ng mga residente kay Mayor Dela Cruz.

Sinisikap ng mga mamahayag na kasapi sa PaMaMariSan-Rizal Press Corps na makuha ang panig ng alkalde ukol sa isyung ito.

(Buboi Patriarca nag-uulat para sa RoadNews)