Alex Eala: Pasok sa Quartefinals ng 2025 Sao Paolo Open

Malakas na ipinagpapatuloy ng Filipina tennis sensation na si Alex Eala ang kanyang magiting na paglalaro sa 2025 Sao Paulo Open, kung saan ay patuloy siyang nagwawagi at nakapasok na sa quarterfinals ng prestihiyosong palaro.

Matapos durugin ang Franses na qualifier na si Yasmine Mansouri sa unang round, pinakitang-todo ni Eala ang kanyang galing sa Round of 16 laban sa Arhentinang si Julia Riera. Tinalo ni Eala ang kalaban sa dalawang straight sets na 6-1, 6-4. Kitang-kita ang kanyang dominansya, lalo na sa unang set kung saan nagawa niyang magtala ng isa lamang unforced error.

Ang tagumpay na ito ang naging ikapitong sunod-sunod na panalo ni Eala, at ito ang nagbukas ng daan para sa kanya upang harapin ang Indonesianong si Janice Tjen sa quarterfinals sa Septyembre 12. Magiging unang pagkikita ng dalawang manlalaro sa professional court.

Kung magtatagumpay si Eala, maaari siyang humarap sa alinman sa second seed na Solana Sierra o sa fourth seed na Ajla Tomljanovic sa semifinals.

Bukod sa malaking premyong $36,300, nakataya rin ang 280 ranking points para sa kampeon. Ang magandang resulta sa Sao Paulo ay maaaring magtulak sa 61st-ranked na si Eala sa Top 50 rank ng mundo, na lalong magpapatibay sa kanyang remarkable na season kung saan nakamit na niya ang kanyang unang WTA 125 title at mga makasaysayang panalo sa Grand Slam.

Darwell Baldos para sa RoadNews Sport