Independent Commission for Infrastracture; NILAGDAAN NA NG PANGULO
MAYNILA – Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Setyembre 11, ang Executive Order No. 94 2025, isang Independent Commission ang itinatag upang imbestigahan ang mga alegasyon ng katiwalian at irregularidad sa mga proyektong imprastruktura ng pamahalaan, partikular na sa mga proyektong flood control..
Ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay binigyan ng malawak na kapangyarihan upang tingnan ang mga proyekto na ipinatupad sa nakalipas na sampung taon. Layon nito na siguruhing napapangunahan ang integridad at maayos na pamamahala sa paggastos ng pondo ng bayan para sa mga imprastruktura.
Binubuo ang ICI ng isang chairperson at dalawang miyembro na itatalaga ng Pangulo. Kinakailangang ang mga ito ay mga indibidwal na napatunayan ang kanilang integridad, kahusayan, at kalayaan. Sila ay magkakaroon ng kapangyarihang mag-isyu ng subpoena upang pilitin ang mga testigo na humarap at maglabas ng mga dokumento. Bukod dito, maaari rin nilang irekomenda ang pag-freeze ng mga ari-arian at ang pagpapataw ng hold departure order laban sa mga nasasangkot.






(Photo Courtesy of ABSCBN News fbpage)
Ang komisyon ay may mandato na magsagawa ng mga hearing, mangalap ng ebidensya, at mag-evaluate ng mga ulat na may kinalaman sa mga proyektong imprastruktura. Kabilang sa mga ito ang mga proyektong ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan.
Upang matiyak ang transparency, inaatasan ang ICI na magsumite ng buwanang ulat sa Office of the President at ilathala ang kanilang mga accomplishment at natuklasan. Ang komisyon ay maaaring magrekomenda ng preventive suspension sa mga opisyal na pinag-iimbestigahan upang maiwasan ang tampering with evidence at influencing withness during investigation.
Ang komisyon ay bubuwagin sa sandaling matapos ang kanilang tungkulin, o maaaring mas maaga kung ito ay pagtibayin ng Pangulo. Inatasan naman ang Department of Budget and Management na maglaan ng pondo para sa operasyon ng ICI.
Sa pamamagitan ng pagbuo ng ICI, ipinakikita ng administrasyong Marcos ang malakas na hakbangin laban sa katiwalian at abuso sa pondo ng bayan, na layong isulong ang mabuting pamamahala at pananagutan sa serbisyo publiko.
Darwell Baldos nag-uulat para sa RoadNews
