Tiwala ng publiko, MAIBABALIK kapag may naparusahan sa flood control scam – Lacson
Ni Ernie Reyes
Katiyakan ng parusa, at hindi snap election, ang susì sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa gobyerno, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes.
Binigyang-diin ni Lacson na ang halalan, maging snap man o regular, ay maaari pang magdulot ng mas malalang korapsyon dahil sa pagbili ng boto ng ilang kandidato — kadalasan gamit ang pondo ng bayan.

“Election, snap or regular, is not the solution. In fact, election campaigns actually add to more corruption – of the electorate by the candidates,” ani Lacson, matapos imungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano na magkaroon ng snap election para sa Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senado at Kamara upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Sa halip, ani Lacson, mas mabisang paraan ang katiyakan ng parusa – lalo na ang bilis ng paghatol – upang takutin at mapigil ang mga tiwaling opisyal.
Matagal nang isinusulong ni Lacson ang konsepto ng certainty of punishment — o ang tiyak na pagsasampa ng kaso, paglilitis, pagkakakulong, at pagpaparusa sa mga sangkot sa katiwalian — bilang solusyon sa korapsyon sa mga maanomalyang proyekto.
“For a change, how about certainty of punishment of corrupt politicians? The higher, the better,” ani Lacson.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews