Bam sa DTI: Mandatory ‘Trustmark’ requirement sa online traders muling pag-aralan
Ni Ernie Reyes
Hiniling ni Senador Bam Aquino sa Department of Trade and Industry (DTI) na suriin at pag-aralang mabuti ang kautusan nitong nag-oobliga sa lahat ng online businesses na kumuha ng “Trustmark,” na tinawag niyang dagdag na pasanin para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Ang Philippine Trustmark ay isang digital badge na nagsisilbing pagkilala ng gobyerno sa mga online merchant at platform na nangakong magpapatupad ng trustworthiness, safety, at fair e-commerce practices.
Sa ilalim ng Department Administrative Order (DAO) 25-12, binigyan ng DTI ng palugit hanggang Disyembre 31 ang mga negosyo upang sumunod sa Trustmark requirement.

“Nananawagan tayo sa DTI na busisiin ang requirement para sa online businesses na magkaroon ng Trustmark. Huwag na sana natin silang bigyan ng dagdag na pasanin at tulungan natin silang lumago at umasenso,” ayon kay Aquino, na nagbabala na maaaring hadlangan nito ang MSMEs na ilipat online ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng digital marketplaces at iba pang platform.
Bukod sa dulot nitong dagdag na pasanin, sinabi ni Aquino na taliwas ang DAO 25-12 sa mga umiiral na batas gaya ng Internet Transactions Act (Republic Act 11967) at Ease of Doing Business Act (Republic Act 11032).
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng Internet Transactions Act, ang Trustmark ay isang voluntary program lang para sa MSMEs, partikular ng mga online seller, upang mapataas ang tiwala ng mga mamimili sa online transactions.
Binigyang-diin din ng senador na salungat ito sa layunin ng Ease of Doing Business Act. Sa halip na mapabilis ang proseso, nagdagdag ang DTI ng isa pang requirement na lalo lamang makakapagpahirap sa MSMEs.
“Hindi tayo tutol sa anumang pagkilos para mapalakas ang ating consumer protection, subalit ito’y dapat naaayon sa batas at sa iba pang umiiral na polisiya,” giit ni Aquino.
Binanggit din ni Aquino na dagdag pahirap pa sa MSMEs ang taunang P1,130 na Trustmark registration fee, bukod pa sa mga umiiral na bayarin sa pagpaparehistro ng negosyo.
“Lumilitaw, para na rin itong buwis na dapat bayaran ng ating online traders taun-taon. Hindi ito napapanahon, lalo ngayong mainit ang isyu na napupunta lang sa katiwalian ang buwis na binabayaran ng taumbayan,” wika niya.
Kung tunay na nais ng pamahalaan na tulungan ang MSMEs na umasenso online, sinabi ni Aquino na dapat isama ng DTI ang Trustmark sa proseso ng business registration o renewal at gawin itong libre upang maibsan ang kanilang pasanin at mahikayat ang mas maraming negosyante na lumipat sa digital.
“Mas mabuti kung gagawin na lang itong libre ng DTI. Marami na silang matutulungang MSMEs, mahihikayat pa nila ang ibang negosyo na pumasok online para mapalawak ang kanilang merkado,” ani Aquino.
Si Aquino ang may-akda at principal sponsor ng Go Negosyo Act (Republic Act 10644) noong panahon niya bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.
Ang batas ay nagbibigay sa MSMEs ng mas malawak na access sa merkado at financing, nag-aalok ng training at capacity-building programs, at nagpapadali sa proseso ng business registration para sa mga negosyanteng nagsisimula o nais magpalaki ng kanilang negosyo.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
