‘LAST MILE SCHOOL ACT,’ ikinasa ni Legarda: ‘Edukasyon, ilalapit sa liblib na lugar’
Ni Ernie Reyes
Naghain si Senador Loren Legarda, ang pinuno ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, ng panukalang Senate Bill No. 1412 o “Last Mile Schools Act” na layong dalhin ang dekalidad na edukasyon sa mga batang nakatira sa liblib at mapanganib na lugar sa bansa.
Sa panukala, ilalagay sa ilalim ng Department of Education (DepEd) ang mga Last Mile Schools na tututok sa mga mag-aaral sa liblib, at komunidad na kulang sa serbisyo, pati na ang mga Indigenous Cultural Communities (ICCs) alinsunod sa Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997.

“Marami pa rin tayong mga paaralan sa kabundukan at malalayong barangay na walang kuryente, maayos na silid-aralan, o malinis na tubig,” ayon kay Legarda. “Hindi tayo puwedeng umasa na matututo ang mga bata o mananatili ang mga guro kung wala man lang maayos na pasilidad. Ang panukalang ito ay para bigyan ng tunay na kakayahan ang bawat komunidad na ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga residente, hindi lang basta access.”
Batay sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), tinatayang 1,500 sa 9,000 kabuuan na remote schools ay wala pa ring kuryente, samantalang marami rin ang kulang sa palikuran at ligtas na silid-aralan.
Dahil sa mga matarik na daan at kakulangan sa guro, libo-libong bata ang hindi nakakapagtapos ng basic education.
Sa ilalim ng Last Mile Schools bill, gagamitin ang whole-of-government approach upang maresolba ang mga kakulangan.
Aatasan ang DepEd na makipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga daan tungo sa paaralan; sa Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) para sa kuryente; at sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa internet.
Magdidisenyo rin ang DepEd ng learning programs na akma sa sitwasyon ng mga komunidad, kasama ang teacher training, learner support services, at school maintenance standards.
“Ang layunin ay maging buhay na bahagi ng bawat komunidad ang mga paaralan,” ani Legarda.
“Hindi dapat nakaasa sa layo o hirap ng lugar ang edukasyon. Magiging totoo lamang ang pangako ng edukasyon kapag ang bata ay nakapag-aaral sa kani-kaniyang komunidad.”
Para sa transparency at pananagutan, magpapatupad ang panukala ng limang-taong school building program at iuutos sa DepEd na magsumite ng hiwalay na ulat sa kalagayan at performance ng mga mag-aaral sa Last Mile Schools.
Gagamitin ang datos na ito para sa tuloy-tuloy na pagpapabuti at tapat na paggamit ng pondo ng bayan.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews