CAYETANO: Mastermind sa Systemic, Massive Flood Control Scandal, pinatutukoy: ‘IKULONG NA YAN’

Ni Ernie Reyes

May mastermind sa likod ng “massive and systemic” na korapsyon sa flood control projects kaya dapat nang mahuli at makulong upang matuldukan ang buong iskandalo, ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Sa tatlong magkakasunod na panayam sa media nitong Miyerkules, October 8, sinabi ng minority leader na sa lawak ng nasabing anomalya ay hindi malabong may makapangyarihang tao na nag-“orchestrate” nito.

“Ang working theory ko, may tumingin sa buong pondo [ng gobyerno] at sinabing, ‘Pwedeng may gawin ako sa pondo na ito. Benta ko ito.’ At may kasama [siya] doon,” aniya.

“Kasi kung makikita mo, nationwide meron biglang ghost lahat. Ibang usapan y’un,” dagdag niya.

Diin niya, hangga’t hindi natutumbok sa mga parallel investigation ang sinumang mastermind, guguluhin at guguluhin lang nila ang imbestigasyon upang makalusot at maipagpatuloy ang pangongorap. 

“Ang mastermind na kumita ng tens of billions maybe hundreds of, guguluhin niya talaga ito,” aniya.

Patunay aniya sa panggugulong ito ang kawalan ng kumpleto at malinaw na listahan ng lahat ng flood control projects sa buong Pilipinas kahit tatlong buwan na ang nakakalipas mula nang banggitin ito ng Pangulo sa SONA.

Sa halip, puro mga “low-lying” fruits umano na mga inbidwal ang tinitira, mapa-maliit o malaking pangalan.

“All the mastermind has to do is i-yoyo niya lang lahat ‘to, mag-grow-grow y’ung frustrations ng people. And then by the end of next year, kanya-kanya nang propaganda that the hope is the candidate in 2028,” dagdag niya.

“Habang ang nagtitirahan ay kapwa congressman, kapwa senator, hindi na-e-expose y’ung mastermind, y’an ang play niyan,” aniya. 

Mungkahi niya sa Blue Ribbon Committee, sa Public Works and Highways department, at sa Independent Commission for Infrastructure, unahing kumpletuhin ang listahan ng lahat ng mga bagong flood control projects mula 2024 at 2025, isa-isang ipatawag ang sangkot, hanggang sa “ikanta” ng mga ito ang masterminds.

“Paano mo hahabulin y’ung mastermind? Kailangan may working theory ka. Paano mo mabubuo y’ung theory na y’un kung tama o hindi? Simple lang. Kumuha ka ng kung saan y’ung mga ghost. ‘Pag lumabas y’ung listahan na y’an, isa-isa imbitahin ‘yan,” aniya.

“Unahin natin listahan ng 2025 at 2024. Pagka y’an nilabas ang pondo at ghost (non-existent), huli na kaagad ‘yan. Kakanta na kaagad ‘yan,” dagdag niya.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews