DIGITAL CONNECTIVITY MASTER PLAN, MAGPAPALINAW SA REPORMA NG INTERNET ACCESS – SOLON

0

Ni Ernie Reyes

Mahalagang hakbang ang pag-apruba sa nationwide digital connectivity master plan upang magkaroon ng malinaw na direksyon ang mga reporma sa internet access na itinatakda ng Konektadong Pinoy Act, ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Si Cayetano ang principal author ng panukalang Konektadong Pinoy na naglalayong palakasin ang connectivity hindi lamang sa kalunsuran kundi maging sa kanayunan partikular sa paaralan na higit na kailangan sa pagtuturo at kaalamanan.

Nitong January 26, 2026, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang master plan na naglalayong palawakin ang maaasahan at ligtas na internet connection sa buong bansa, lalo na sa mga lugar na matagal nang kulang o wala pang serbisyo.

Ito ay naipasa limang buwan matapos maging ganap na batas ang Konektadong Pinoy Act noong Agosto 2025. Layunin ng naturang batas na alisin ang mga hadlang sa pagpasok ng mga internet service provider, palakasin ang kompetisyon sa sektor, at magbigay sa publiko ng mas abot-kayang at mas maraming pagpipilian na internet services.

Nauna nang sinabi ni Cayetano na dinisenyo ang Konektadong Pinoy Act upang i-update ang digital framework ng bansa at palawakin ang access sa internet. Ngunit ayon sa senador, magiging limitado ang epekto ng batas kung walang malinaw at pangmatagalang plano sa koneksyon.

“(This law) modernizes our digital infrastructure, ensuring that all Filipinos have access to, and the use of, affordable, quality, and up-to-date information and communication technologies,” wika niya.

“[Pero] kahit anong ganda ng plano mo for ICT (Information and Communications Technology), kung ‘di ka rin connected, wala ring mangyayari,” dagdag niya.

Binigyang diin din ni Cayetano ang kahalagahan ng modernong teknolohiya sa pagpapabilis ng mga transaksyon sa gobyerno, pagpapalakas ng transparency, at pagpapabuti ng paghahatid ng serbisyo publiko.

“If all of these different laws work, we also hope to have free WiFi in the schools to help the students,” wika niya.

Ayon kay Cayetano, ngayong aprubado na ang nationwide digital connectivity master plan, ang maayos na pagpapatupad nito ang magiging susi upang matiyak na maisasalin ang mga umiiral na batas sa mas maayos na internet access para sa mga serbisyong pampubliko at sa sektor ng edukasyon. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *