‘LAST MILE SCHOOLS’ GUSTONG ILAPIT NI BAM SA ESTUDYANTE: ‘WAG MASYADO MALAYO’
Ni Ernie Reyes
Binigyang-diin ni Senador Bam Aquino na walang dapat maiwan na mag-aaral dahil sa layo ng eskuwelahan, kasabay ng panawagang ilapit ang mga “Last Mile School” sa estudyante upang mas maging accessible ang edukasyon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education hinggil sa mga panukalang batas na naglalayong i-institutionalize ang Last Mile School sa mga liblib na lugar ng bansa, sinabi ni Aquino na dapat ipatupad ang isang proximity-based policy na layong bawasan ang oras ng biyahe ng mga estudyante sa humigit-kumulang 30 hanggang 45 minuto.
“In 2026, iyong mga kuwento na kailangan ko pang mag-tatlong oras bago makapunta sa isang eskuwelahan—dapat in 2026, that should be non-existent,” ani Aquino.

“We should be able to find, whether it’s an annex or an actual school dapat iyong mga kabataan natin may kakayanan nang makapasok sa hindi naman ganung kahirap na sitwasyon,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Aquino na dapat isa sa mga pangunahing sukatan ng Department of Education para sa Last Mile School ay ang kakayahan ng mga estudyante na marating ang mga ito sa loob ng 30 hanggang 45 minuto.
“I haven’t seen it in the current versions stating that every Filipino student should be within 30 to 45 minutes from a school. Kung mayroon tayong lugar na malayo masyado, we should geographically locate where we should be putting up our last-mile schools,” wika ng Senador.
“That’s something I think that, strategically, the Department can also do,” dagdag pa niya.
Sumang-ayon si Engr. Michael de Guzman, Director ng DepEd Education Facilities Division (EFD), sa mungkahi ni Aquino at sinabing maaaring magtayo ang ahensya ng annex school na mas malapit sa mga estudyante.
“That’s a good idea. Very crucial lang diyan iyong site acquisition. If somebody’s willing to donate that land or if it’s LGU-owned, we can go into an agreement with them so we can utilize that space to build a school,” wika niya.
Iminungkahi rin ni De Guzman na gawing integrated schools ang mga last-mile school upang makumpleto ng mga estudyante ang elementarya at high school sa iisang lugar.
“Pinag-aral mo nga ng elementary. Nakatapos ng elementary. Pag nag-high school pupunta naman siya sa napakalayong lugar, baka tamarin. Mas maganda na nandodoon na rin siya,” diin niya.
Tinanggap naman ni Aquino ang mungkahi ni De Guzman at sinabing kailangan ng Committee on Basic Education, na kanyang pinamumunuan, ang iba pang mga polisiya na higit pa sa usapin ng imprastraktura, probisyon para sa supply, at manpower.
