P65-B CLASSROOM FUNDS, LILIKHA NG 100K TRABAHO, LOCAL ECONOMY PALALAKASIN – Aquino

0

Ni Ernie Reyes

Bukod sa pagbawas sa napakalaking backlog na 165,000 classrooms, inaasahan na lilkha ng mahigit 100,000 trabaho ang P65-bilyong pondo sa pagtatayo ng bagong classrooms sa buong bansa, ayon kay Senador Bam Aquino.

Sa isang dayalogo kasama ang mga lokal na opisyal ng Iloilo, binanggit ni Aquino na ang pagtatayo ng isang classroom ay karaniwang nangangailangan ng apat hanggang anim na manggagawa at aabutin ng tatlo hanggang apat na buwan upang matapos.

“Batay sa pagtayang ito, kung ang target natin ngayong taon ay makapagtayo ng 25,000 classrooms mula sa ating P65 bilyong pondo, lilikha ito ng mahigit 100,000 trabaho,” sabi ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

“Makikinabang dito ang mga manggagawa sa ating mga komunidad gaya ng mason, construction worker at pintor dahil magkakaroon sila ng trabaho at kita na magagamit nila sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya,” dagdag pa niya.

Sakaling nakapirma na ang local government units (LGUs) sa memorandum of agreement (MOAs) sa Department of Education (DepEd), maaari na nilang ma-access ang pondo para sa pagtatayo ng classrooms.

Sinabi rin ni Aquino sa mga lokal na opisyal na inaasahang higit pang palalakasin ng programa sa classroom construction ang lokal na ekonomiya at makikinabang ang maliliit na negosyo.

Sa kabilang banda, ang buwis na malilikom ng LGUs mula sa pagkuha ng lokal na contractors ay makakatulong sa kanilang social services programs para sa kanilang mga nasasakupan.

“Kapag kumuha tayo ng local contractor, magbabayad sila ng buwis sa lokal na pamahalaan at kikita rin ang ating maliliit na negosyo mula sa kailangang supply sa pagtatayo ng classroom,” dagdag pa niya.

Ang classroom construction initiative ay direktang tumutugon sa pinaka-prioridad na problema ng mga Pilipino — ang sahod at kita ng mga manggagawa — ayon sa Tugon ng Masa fourth quarter 2025 survey na isinagawa ng OCTA Research.

Ayon sa survey, 45 porsyento ng mga respondent ang nagsabing ang pagpapabuti o pagtaas ng sahod at kita ang kanilang pangunahing prayoridad, na nagpapakita ng kahalagahan ng mga programang lilikha ng trabaho at magbibigay ng matatag na kita para sa mga manggagawang Pilipino.

Sa ilalim ng 2026 national budget, binigyan ng malawak na flexibility ang Department of Education (DepEd) sa mga modalidad ng pagtatayo ng classrooms, kabilang ang pakikipagtulungan sa local government units, civil society organizations, at non-governmental organizations na may napatunayang track record.

Samantala, inaprubahan ng Senado ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act o Senate Bill No. 1482 ni Aquino sa ikatlo at huling pagbasa sa botong 22-0, at walang negatibong boto at walang abstention.

Sa ilalim ng panukalang batas, papayagang magtayo ang LGUs at non-governmental organizations (NGOs) na may napatunayang track record ng classrooms sa kanilang hurisdiksyon, alinsunod sa standards at guidelines ng Department of Education.

Uunahin din ng panukala ang pagpapabilis ng proseso ng pagtatayo ng classroom at kabilang dito ang safeguards laban sa katiwalian sa pamamagitan ng paglalagay ng price price ceiling sa pagtatayo ng silid-aralan. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *