art t

NAKILALA natin ang OPM icon na si Freddie Aguilar (February 5, 1953-May 27, 2025), maagang bahagi ng 1990s, nang isama tayo ng katotong Eddie Littlefield (RIP) sa bahay ng singer sa New Manila, na ang katapat ng kanilang garahe ay kabahayan ng mga informal settlers.

Naging “malapit” tayo kay Ka Freddie nu’ng mag-produce ng isang concert (2008) si Zeny Marcelo sa Ka Freddie (sa dating puwesto ng Walkabout Bar) music bar sa M. Adriatico, Malate, para sa isang wannabe singer na gustong bigyan ng chance ng biyuda ni Conrad Poe.

Bilang publicist para sa nasabing concert, naging madalas ang pasyal natin sa Ka Freddie na naging daan para mas maging malapit tayo sa tatay nina Maegan, Jericho, Jonan, Isabela, sa asawang si Josephine. 

Taong 2011, ipinagbili natin kay Ka Freddie ang pambabaing Phillip Stein na relos na ating napanalunan sa isang pa-raffle ng Queen of All Media Kris Aquino nu’ng siya’y nasa ABS-CBN pa.

Taong 2013, naging kontrobersiyal ang kanyang naging relasyon sa isang sixteen years old na dalaga at para maalpasan ang mga batikos at posibleng masampahan ng kaso sa husgado, siya’y nag-convert sa Muslim at kanyang pinakasalan si Jovie Gatdula Albao noong Nobyembre 22, 2013, sa Buluan, Maguindanao, na pinangunahan ni Governor Esmael “Toto” Mangudadatu.

Muling nagtagpo ang aming landas ng kapatid ni Marlene Aguilar,  sa Ka Freddie, Tomas Morato, taong 2017, nang meron tayong hilinging pabor na hindi naman siya nagdalawang-salita.

January 2, 2018, nasunog ang kanilang bahay sa Fairview, Quezon City at ang nasabing sunog ay naging mitsa para makunan si Jovie sa kanilang sana’y ikalawang anak. Isinalaysay ni Ka Freddie na may isang “himala” ang naganap nang matuklasan nilang ang mga Koran (Bibliya ng Muslim) ang tanging hindi nasunog sa mga kuwarto na nilamon ng apoy. Noon nabanggit niyang merong grupo ang humihikayat sa kanyang tumakbong Senador nu’ng 2019 senatorial elections na sa kasamaang-palad hindi siya pinalad.

 Mayor palang ng Davao City si Digong, naging malapit na ang legendary singer sa dating pangulo ng Pilipinas. Lagi raw siyang ipinasusundo ni mayor kapag merong malaking okasyon sa kanilang nasasakupan.

Dahil sa “espesyal” na ugnayan nila ni ex-President Rodrigo Duterte, hinirang siyang Presidential Adviser on Culture and Arts, na tumagal hanggang matapos ang termino ng ex-president na ngayo’y nasa The Hague, Netherlands, para harapin ang  mga sakdal sa kanya na may kaugnayan sa crimes against humanity.

Bago mag-pandemya, nabalitaan nating isinara na pala ang Ka Freddie sa Tomas Morato, kaya naging madalang ang ating pakikipagkita sa singer. Pero konektado kami sa aming GC (group chat) kasama si Tirso Nieva Paglicawan, isang mamamahayag at paralegal expert.

At sa pamamagitan ng Facebook, hindi naputol ang ating komunikasyon kay Ka Freddie at nitong Enero 27, 2025, isang masayang tanghalian sa Mary Grace restaurant sa UP Town Center, ang nagsilbing huling pagkikita natin sa musikerong lumikha ng awiting “Anak”, at iba pang klasikong awitin gaya ng “Magdalena”, “Ipaglalaban Ko”, “Bulag, Pipi at Bingi” (likha ni Snaffu Rigor) at marami pang iba.

Pero ang awiting “Anak”, na kanyang isinali sa First Metro Pop Festival noong 1987, na hindi nanalo ng kahit anong premyo sa naturang patimpalak,  ang siyang kinikilalang pinakamalaki ang kinita sa buong kasaysayan ng musikang Pinoy. At ang nasabing awitin ay isina-plaka sa 29 na lenggwahe gaya ng Hapones, Aleman, Ingles, Griyego, at iba pa.

Ang nasabing paghaharap ay personal na kahilingan ng kapatid ng dating sexy actress na si Vida Verde, na malapit din kay Ka Freddie,  na sina John Mejia at Vivian Borancho, na nagbakasyon galing Alaska.

At pinasalubungan nila  si Ka Freddie ng isang buong frozen Pink Salmon.

At habang naghihintay sa aming mga order na pagkain, kanya-kanya naman ng pa-selfie with Ka Freddie kasabay ang umaatikabong kumustahan na sinasaliwan ng masayang tawanan.

“Merong bumibili sa franchise ng Ka Freddie na itatayo sa Tagaytay. Pag-uusapan pa ang mga detalye. Sabi ko sa kanila, hindi na ako makikialam diyan, sila na ang bahala. Kung merong request na mag-perform ako, saka lang ako pupunta roon,” info noon ni Ka Freddie.

“Meron ding inaayos na concert sa Australia, kasama ang Watawat Band this coming March,” dagdag pa ng mang-aawit na minahal hindi lang ng masang Pilipino kundi maging ng buong daigdig.

May 13, isinugod ng asawang si Jovie, si Ka Freddie,  sa Philippine Heart Center dahil nahihirapan ito sa paghinga.  

At umaga nu’ng May 27, 2025, ginulantang ang sambayanan sa balitang pumanaw na ang itinuturing na alamat na mang-aawit dahil sa cardiac arrest, dakong alas-12:02 ng madaling-araw.

At kinahapunan, siya’y inihatid sa kanyang huling hantungan sa pamamagitan ng Muslim rites sa Manila Islamic Cemetery.

Mula rito sa Roadnews Arangkada sa Balita, nakikiramay po kami sa mga inulila ni Ka Freddie.

We will miss us…Ka Freddie…

Mapayapang paglalakbay…