AGAP Rep. Briones: Dapat Taasan ang Pondo sa Agrikultura para sa Food Security
Maynila | Nanawagan si AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones sa pamahalaan na dagdagan ang pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa 2026 upang masiguro ang food security at matulungan ang mga magsasaka.
Sa isang media forum kamakailan, binigyang-diin ni Briones na noong mga nakaraang taon ay pangalawa ang DA sa mga ahensyang may pinakamalaking budget, ngunit ngayon ay bumagsak na ito sa ika-anim na pwesto. Aniya, kung seryoso ang administrasyon sa pagpapalakas ng agrikultura, dapat ay mas malaking pondo ang ilaan dito.
Giit ng kongresista, ang kasalukuyang proposed budget na P237.4 bilyon ay hindi sapat para tugunan ang pangangailangan ng sektor. Para sa kanya, dapat ay umabot sa P500 bilyon ang pondo ng DA upang mas mapabilis ang mga programa para sa irigasyon, post-harvest facilities, at suporta sa mga magsasaka.
Ayon sa proposed 2026 national budget, 10% lamang ang itinaas sa pondo ng DA. Subalit hinimok ni Briones ang gobyerno na gawing 30% ang increase sa susunod na tatlong taon upang madoble ang budget at mas mapalakas ang lokal na produksyon ng pagkain.
Pahayag ni Briones, ang paglaki ng budget sa agrikultura ay direktang makakatulong sa pagpapababa ng presyo ng pagkain at pagbawas sa pag-asa sa importasyon. Dapat ding siguruhin, aniya, na walang masayang o ninakaw ang pondo para sa mga magsasaka.
Pinuri naman ng mga grupo ng magsasaka ang panukala, na nagsasabing malaking tulong ito para sa kanilang kabuhayan. Umaasa sila na pakikinggan ng Kongreso at Malacañang ang panawagan ni Briones.
Kung maaprubahan ang mas malaking budget, inaasahang mas magiging matatag ang food supply ng bansa at mas giginhawa ang mga magbubukid.
Buboi Patriarca para sa RoadNews

