STATUS QUO ANTE SA IMPEACHMENT CASE, HIRIT NI KIKO SA SC

Ulat ni Ernie Reyes para sa RoadNews

Hiniling ni Senador  Kiko Pangilinan sa Supreme Court na magpalabas ng status quo ante order at magsagawa ng oral arguments hinggil sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Isinagawa ni Pangilinan ang kahilingan nitong Lunes ng Hapons matapos maghain ang Mababang Kapulungan ng motion for reconsideration sa Supreme Court na humihiling na baligtarin ang desisyon na nagbabasura sa paglilitis kay Duterte.

Naunang nagdesisyon ang Supreme Court na unconstitutional ang articles of impeachment laban kay Duterte sa simula’-simula pa lamang ng proseso.

“Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng pagkakataon ang lahat ng panig—ang Senado, ang Mababang Kapulungan, ang Korte Suprema, at ang mas malawak na pamayanang legal—na huminto, umatras ng ilang hakbang, at pigilan ang bansa sa tuluyang pagkahulog sa walang hangganang bangin ng isang konstitusyunal na war of attrition, sa salita man o sa gawa. Ang ganitong bangayan ay lalo lamang makakasira sa tiwala ng taumbayan sa ating mga demokratikong institusyon at magdudulot ng matinding pinsala sa mga ito,” giit ng Senador.

“Tayo ay umaapela nang buong paggalang sa Korte Suprema bilang final arbiter ng lahat ng diskurso kaugnay sa konstitusiyon, na pagdesisyunan ang Motion for Reconsideration patungo sa landas na tinahak ng sarili nilang ruling sa kaso ng Civil Liberties Union v. Executive Secretary kung saan pinag-isa at binigyan ng legal validity at binding effect ang mga pangunahing Karapatan ayon sa Saligang Batas, kapangyarihan at tungkulin ng Korte Suprema, HoR, at Senado,” ayon kay Pangilinan.