Erwin, Binatikos Ni De Lima Sa Planong Paglusaw Sa 4Ps: ‘Beneficiaries Di Palamunin’
Ulat ni Ernie Reyes para sa RaodNews
Matinding binatikos ni dating Senador, ngayon Mamamayang Liberal Party List Rep. Leila De Lima si Senador Erwin Tulfo sa plano nitong lusawin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na itinuturing nitong timawa ang miyembro na nanghihingi ng limos sa pamahalaan.
Sa pahayag, sinabi ni De Lima, pangunahing awtor ng Program, na hindi limos ang 4Ps bagkus mayroon itong kondisyon para maipagkaloob sa benepisaryo ang suporta ng pamahalaan kaya tinawag itong Conditional Cash Transfer (CCT).
Kamakailan, iminungkahi ni Erwin na lusawin ang 4Ps at bigyan na lamang ng pagkabuhayan ang benepisaryo.
Ngunit, ayon kay De Lima na batay ang CCT sa prinsipyo ng shared responsibility – sa pagitan ng pamahalaan at bawat pamilyang Pilipino na may hangaring makaahon sa kahirapan.
“Yes, there are gaps in implementation. Yes, some abuses have been reported. But that’s precisely why we must strengthen, not scrap, the program. The answer is better targeting, better monitoring, and better support systems, not abandoning millions of families who have long relied on this program to survive, recover, and rebuild,” ayon sa dating senador.
Bilang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11310 — ang batas na nag institutionalized sa 4Ps, sinabi ni De Lima na: “ I stand firmly by the impact of this program. Over 1.5 million households have already graduated from poverty under the 4Ps framework, according to the President’s own State of the Nation Address. That is not a failure. That is progress that must be sustained.”
“Ngayong nasa Kongreso ako muli, isinusulong ko ang House Bill No. 1434 o ang Expanded 4Ps Act. Sa ilalim ng panukalang ito, palalawigin natin ang suporta sa mga benepisyaryo, hindi lamang sa tulong-pinansyal kundi sa pamamagitan ng adult education, livelihood training, employment facilitation, at entrepreneurship development. Hindi lang pantawid, kundi panghabambuhay na kabuhayan ang layunin,” giit ng mambabatas.
Aniya, ito ang hinaharap na gusto nating ihatid: kung saan ang tulong ng gobyerno ay hindi nakakababa ng dignidad, kundi nagbibigay-lakas. Kung saan ang mga dating tinutulungan ay siya namang tumutulong sa iba. Kung saan ang programa ng pamahalaan ay tulay, hindi patibong.
“Hindi perpekto ang 4Ps. Pero huwag nating sirain ang isang programang may mabuting layunin at malinaw na tagumpay, lalo na’t may mga kongkretong hakbang para mas mapabuti ito. Responsable ang gobyernong inaamin ang mga butas at ginagawan ito ng paraan. Iyan ang klase ng pamumunong aking ipinaglalaban.” Giit pa niya.
“Milyon na ang naitawid. Milyon pa ang umaasa. Hindi natin sila pababayaan,” ayon pa kay De Lima.
