SB No. 1200 hindi isang “Gimmik” o “Theatrics” lamang! – Padilla
Ni Darwell Baldos
ISINULONG ni Senador Robinhood “Robin” Padilla ang kanyang Senate Bill No. 1200 o ang Drug-Free Government Bill bilang isang kongkretong hakbang at hindi isang “gimmick” o “pagpapapogi” lamang.
Sa kanyang pahayag noong Agosto 19, 2023, iginiit ng senador na ang panukala ay nagsisilbing preventive at accountability measure upang masiguro ang maagang pagtuklas at paglinang ng kultura ng responsibilidad sa hanay ng mga public servant.

“We must be sure that public servants, especially those in the high echelons of authority, must themselves possess the moral ascendancy to execute and implement the laws,” ayon sa pahayag na pinirmahan ni Atty. Euboh Philip Jurado, Chief of Staff ng senador.
Binigyang-diin din sa pahayag na malayo sa pagiging isang gimmick, ang panukala ay isang praktikal na hakbang upang protektahan hindi lamang ang kalusugan at kaligtasan kundi higit sa lahat, ang tiwala ng publiko.
Ang Senate Bill 1200 ay naglalayong gawing mandatory ang regular at random na drug testing para sa lahat ng mga appointive at elective officials, maging sa mga kawani ng gobyerno, bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa illegal na droga.
