Ambassador ng GERMANY, nagcourtesy call sa OVP

MANDALUYONG CITY — Malugod na tinanggap ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ang isang courtesy call mula sa Ambassador ng Federal Republic of Germany na si His Excellency Dr. Andreas Michael Pfaffernoschke noong nakaraang buwan ng Hunyo.

Ang pagpupulong ay naging okasyon upang pag-usapan ang mas malalim na ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Germany. Tampok sa kanilang napag-usapan ang mga plano upang palakasin pa ang ugnayan ng dalawang bansa, partikular sa larangan ng ekonomiya. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagpapaigting ng seguridad bilang isang mahalagang salik sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya.

Sa kanyang pahayag, binanggit ng Pangalawang Pangulo ang malaking kaibahan ng sistema ng transportasyon sa Pilipinas kumpara sa mga bansa sa Europa. Ipinahayag niya ang kanyang matatag na hangarin na magkaroon ng isang Modernong Transport System sa bansa upang epektibong matugunan ang mga hamon sa sektor ng transportasyon.

Bukod dito, iminungkahi at inimbitahan ng Pangalawang Pangulo ang embahador na bisitahin ang Lungsod ng Davao upang mas lalong mapalago ang ugnayan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Ang pagpupulong ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na makipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa para sa ikauunlad ng Pilipinas.

Jovan Casidsid nag-uulat para sa RoadNews