P1K AYUDA SA GAMOT NG SENIOR CITIZENS, IKINAKASA SA SENADO NI LEGARDA
Ni Ernie Reyes
Inihain ni Senador Loren Legarda ang Senate Bill No. 164, o An Act Providing Monthly Maintenance Medication Support for Senior Citizens na naglalayong magbigay ng P1k kada senior citizen upang makatulong sa pambili maintenance na gamot kada buwan.
“Tulong natin ito sa mga senior citizen na may iniindang sakit habang sila ay tumatanda,” paliwanag ng mambabatas.

“Ito ay pagpapatupad ng ating mandato na tiyaking sila ay maggkakaroon ng access sa murang pagpapagamot para manatiling mabuti ang kanilang kalusugan,” dagdag niya.
Ayon kay Legarda, na isa sa pangunahing may-akda ng Expanded Senior Citizens Act of 2010, hindi sapat ang discount para sa ilang senior citizen.
Sa ilalim ng panukalang batas, bibigyan ng maintenance medication support card ang kada senior citizen, na hindi puwedeng ipasa sa iba o ipalit sa pera.
Magkakaroon lamang ng card ang mga senior citizen kung ang kanilang reseta ay naibigay sa nakaraang anim na buwan.
Ang pandaraya ay lalapatan ng kaukulang parusa na naaayon sa batas.
“Ito ay pagbibigay-pugay sa mga nauna sa atin, sa naglatag ng daan upang tayo ay umunlad,” ayon kay Legarda.
“Nandito tayo upang bigyang-katuparan ang pangako ng Estado na pangalagaan ang mga senior citizen, at tinitiyak nating walang maiiwan sa kanila.”
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
