DepEd kinalampag ni Aquino sa tama, napapanahong datos sa classroom backlog
Ni Ernie Reyes
Hinikayat ni Senador Bam Aquino ang Department of Education (DepEd) na maglatag ng malinaw at napapanahong datos hinggil sa classroom backlog upang matukoy ang kinakailangang pondo para sa 2026 national budget.
Ibinahagi ni Aquino ang usapin matapos niyang malaman sa kanyang pagbisita sa dalawang paaralan sa Mabalacat, Pampanga na may ilang silid-aralan na sampung taon nang condemned ngunit hindi pa rin kabilang sa listahan ng DepEd para mapalitan.
“Kung iyong 166,000 classroom gap ay talaga bang 166,000 o posibleng mas malaki pa. Kasi ang kutob namin, posibleng mas malaki pa ito,” ani Aquino sa pagdinig ng Committee on Basic Education na kanyang pinamumunuan, kaugnay ng kanyang panukalang Senate Bill No. 121, o ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act.

“The budget is ongoing. Sana naman tama ang mga numero natin. We’re asking you to come up with the best numbers because we have an opportunity to actually fund education in a big way this year. Kaya kailangan alam natin na tama ang numero natin,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Aquino na mahalaga ang pagkakaroon ng tamang datos upang matiyak na ang pondo ay magagamit nang tama, lalo na matapos ipahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang intensyong ilipat sa edukasyon at kalusugan ang ₱275-bilyong budget para sa flood control.
“So apart from slashing this (flood control) budget, mahalaga na mapunta ito sa tama. That’s why gusto kong intindihin kung iyong mga numero natin ay tama o hindi,” ani Aquino.
Nanawagan din si Aquino sa DepEd na maglatag ng malinaw na polisiya hinggil sa condemned na silid-aralan, kabilang ang timeline para sa kanilang pagpapalit, upang maiwasan ang double at triple shifts sa mga pampublikong paaralan.
Layon ng Senate Bill No. 121 ni Aquino na bigyang kapangyarihan ang mga local government unit (LGU) at non-government organization (NGO) na magpatayo ng mga silid-aralan alinsunod sa pambansang pamantayan sa kanilang mga nasasakupan, sa tulong ng suporta sa pondo mula sa pambansang pamahalaan.
