“TULFO, NAGDEMANDA VS. 3 ‘EX-BODYGUARDS’ NI ZALDY CO!”
ni Alfredo Patriarca
MANILA – Pormal nang nagsampa ng reklamong “Grave Oral Defamation” si Erwin Tulfo laban sa tatlong umano’y dating bodyguard ni Zaldy Co matapos siyang idawit sa umano’y kickback scheme sa mga proyekto ng flood control at human trafficking.
Kinilala ang mga respondent na sina Bernard A. Gumban, Rosebert M. Waupan, at Benny Bulontate. Inihain ang reklamo sa Pasay Regional Trial Court nitong Hunyo 8, alas-3:30 ng hapon, kasama ang abogado ng senador na si Atty. Jovito Barate.
Ayon sa kampo ni Tulfo, walang sapat na ebidensiya ang mga akusasyon laban sa senador kaya’t napilitan siyang dumulog sa korte upang linisin ang kanyang pangalan.
Nauna rito, hindi rin dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga tinaguriang “18 ex-bodyguards” ni Co sa kabila ng ilang ulit na pagpapadala ng imbitasyon sa kanila. Dahil dito, umani ng batikos ang kanilang hindi pagharap sa imbestigasyon.
Patuloy namang umiinit ang usapin kaugnay ng mga alegasyon sa flood control projects habang hinihintay ang susunod na hakbang ng mga sangkot sa kaso.

