CLASSROOM-BUILDING ACCELERATION PROGRAM ACT NI BAM, SUPORTADO NI ANGARA
Ni Ernie Reyes
Nagpahayag ng buong suporta si Department of Education (DepEd) Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara nitong Martes sa panukalang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act ni Sen. Bam Aquino.
Sa pahayag, sinabi ni Angara sa pagdinig ng panukala na makatutulong ito sa paglutas ng 166,000 classroom backlog ng pampublikong paaralan sa buong bansa.
“We really look forward to the passage of that bill. It’s a breath of fresh air because seeing how over the last decade the classroom deficit has increased year on year,” wika ni DepEd Secretary Sonny Angara ukol sa Senate Bill No. 121 ni Aquino sa isinagawang budget hearing ng ahensya.

“Your bill is thinking out of the box. It is really creative. It’s empowering,” dagdag pa niya.
Layunin ng Senate Bill No. 121 ni Aquino na bigyang kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan at non-government organizations (NGOs) na may subok nang track record upang magpatayo ng mga classroom alinsunod sa pambansang pamantayan at gabay sa loob ng kanilang nasasakupan, na may suportang pondo mula sa pambansang pamahalaan.
Sinabi ni Aquino na isusumite ang committee report para sa CAP Act sa plenaryo sa mga susunod na linggo. Nagpahayag din siya ng kumpiyansa na maaari itong maipasa ng Senado bago matapos ang Disyembre.
“If we finish it by December, then the classroom acceleration program can be added as an item in the GAA (General Appropriations Act) for 2026,” sabi ni Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education at vice chairperson ng Committee on Finance.
“If we don’t, we will put in a special provision, which basically is the program. Put it into the GAA so we can undergo the program,” dagdag pa niya, kasabay ng pagsasabing kayang maghatid ng mga lokal na pamahalaan at NGOs ng kinakailangang classroom kung mabibigyan ng sapat na tulong.
Tiniyak din ni Aquino kay Angara na sa ilalim ng panukalang ito, bibigyan ang DepEd ng kinakailangang manpower upang suriin at bantayan ang mga proyektong isasagawa ng LGUs at NGOs.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
