Reporma, Climate Security UUNAHIN NI LEGARDA sa Defense Committee

Ni Ernie Reyes

Tiniyak ni Senador Loren Legarda na pagtutuunan ng bagong liderato ng Senate Committee on National Defense and Security ang reporma sa sektor at climate security na pawang mahalaga sa pagtatanggol sa soberenya ng bansa.

Bilang pioneer sa climate-security integration, naikonekta ni Legarda ang climate change sa national security risks at nagmungkahi ng resilience audits ng AFP installations.

Hangad ng AFP Resilience Scorecard at Toolkit na masukat ang kahandaan ng bansa sa disaster at humanitarian metrics.

Kabilang sa kanyanh mahahalagang panukala   ang Senate Bill No. 833, na magpapatayo ng Philippine Defense University System (PDUS).

Hangad nito na maikonekta ang mga defense at security schools sa isang mabisang institusyon. Magiging mas kumpleto, mabisa at handa ang defense education sa pangangailangan ng bansa.

“Sa pamamagitan ng PDUS, kaya nating magkaroon ng bagong henerasyon ng national security leaders na may sapat na kakayahan at kaalaman para maprotektahan ang bansa at mga tao. Magiging handa sila sa kasalukuyang problema at maaring mangyari sa hinaharap,” paliwanag ni Legarda.

Matagal nang itinutulak ni Legarda ang karapatan at soberanya ng bansa sa West Philippine Sea, sa pamamagitan ng mga resolusyon laban sa ilegal na panghihimasok ng mga banyaga at nanawagan na ipatupad nang lubusan ang naging desisyon sa Hague. Ipinapakita rin ng kaniyang panawagan sa mas maigting na presensya ng BFAR sa Kalayaan Islands ang kaniyang pagsusulong ng ecological protection at food security.

“Dapat nating ipagtanggol ang ating teritoryo, ang dignidad ng ating mga mangingisda, at integridad ng yamang dagat,” ani Legarda.

Itinulak ni Legarda ang kaligtasan ng mga unipormado, at nagsulong na maitaas ang kanilang sahod at makapaglaan ng pondo para sa kagamitan, housing, at suporta sa mga beterano. Nagsilbi rin siyang co-author ng mga panukalang batas na naglalayong magbigyan ng scholarship at financial aid sa mga pamilya ng mga namatay.

“Higit pa sa armas ang seguridad; ito rin ay tungkol sa pagtitiwala, pagiging handa, at pagiging responsable nating lahat,” giit niya.

Makasaysayan ang pagkakahalal kay Legarda bilang kauna-unahang babaeng pinuno ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification, and Reconciliation.

“Nakatuon ang depensa ng bansa sa pagprotekta sa buhay, kabuhayan, at kinabukasan. Dapat magkaroon tayo ng puwersang nagpoprotekta at nagpapalakas,” ayon kay Legarda.

Dala ni Legarda ang kanyang malalim na legislative track record at kaalaman sa national security.

Nakamit ni Legarda ang Master’s Degree sa National Security Administration mula sa National Defense College of the Philippines (NDCP), kung saan siya nanguna sa kaniyang klase, at tinapos ang AFP Command and General Staff Course.

Siya rin ay na-promote bilang Colonel (Reserve) sa Philippine Air Force, at nagsilbing may-akda sa award-winning book na “The Armed Forces of the Philippines (AFP) in the Humanitarian Space: Building Resilience, Fostering Resilient Communities.”

Dating magkahiwalay na komite ang Committee on National Defense at ang Committee on Peace, Unification, and Reconciliation. Napagsama ang dalawang komite noong 18th Congress. Ito ay isang makasaysayang pangyayari, sa pangunguna ng isang babaeng may diskarte, may pagmamahal sa kalikasan, at tapat sa inklusibong pamumuno. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews