ARTA Kinalampag ni Gatchalian sa LGU Digitalization vs Red Tape at Corruption

ni Ernie Reyes

Hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) na pabilisin ang digitalization ng mga local government units (LGU) at binigyang-diin na ito lang ang epektibong paraan para labanan ang korapsyon at mapabuti ang ‘ease of doing business’ sa bansa.

“Ang red tape ay isa sa mga pumipigil sa paglago ng ekonomiya. Kailangan nating tiyakin na mararamdaman ang digitalization sa bawat LGU,” ani Gatchalian.

“Maganda nga ‘yung proseso natin sa national pero kung hindi naman digitalized ang local, sayang lang,” ani Gatchalian sa pinakahuling pagdinig ng Senado tungkol sa panukalang budget ng ARTA para sa 2026.

Binigay halimbawa niya ang Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS), isang batas na isinulong ng mambabatas. Napag-alaman ng senador sa ARTA na iilang LGU pa lang ang nagpapatupad nito o 113 lang sa 1,634 na lungsod at munisipalidad sa bansa.

Sa pamamagitan ng EVOSS, napapadali ang pagkuha ng mga permit para sa mga energy project dahil pinag-isa na lang sa sistema nito ang lahat ng mga ahensiyang may kinalaman sa enerhiya o kuryente. 

“Kailangan ninyong gumawa ng programa na ganap na magdi-digitalize sa mga LGU,” sabi ni Gatchalian kay ARTA Director General Secretary Ernesto Perez.

Handa aniya si Gatchalian na magsulong ng karagdagang budget, bilang Committee on Finance chairperson, na kinakailangan upang mapabilis ang digitalization ng LGUs. 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews