‘Trillion Peso March’ mapayapa pero mensahe sobrang lakas – Kiko

Ni Ernie Reyes

Sa harap ng mapayapang pagdaraos ng “Trillion Peso March’ nitong Linggo sa EDSA Shrine sa Mandaluyong City, dumagondong ang malakas na sigaw laban sa pangungurakot sa gobyerno partikular ang sangkot sa flood control project scam.

Inihayag ito ni Senador Kiko Pangilinan kasama sina Senador Bam Aquino, Risa Hontiveros at ML Partylist Representative Leila De Lima sa martsa sa EDSA Shrine matapos ang misa upang kondenahin ang malawak ng korapsiyon sa proyekto ng gobyerno.

Ayon kay Pangilinan, dating student leader at president ng UP Student Council na karapatan ng mamamayan sa ilalim ng Saligang Batas ang magprotesta at manawagan na papanagutin ang public official na sangkot sa katiwalian at madinig ang kanilang boses.

“That is a constitutionally guaranteed right and therefore sa ngayon kinakailangan ipamalas ang ating daing,” he said. “Sabi ko nga wala ring pwersang mas hihigit pa sa usapin ng pulitika pag ang taong bayan na mismo ang naninindigan, tumataya, at kumikilos,” ayon kay Pangilinan.

Bukod sa ilang kongresista sa pammuno ni Rep. Zaldy Co, isinasangkot din sa ghost projects sa flood control sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva na nagsingit ng aabot sa P1 bilyon sa unprogrammed funds na hindi makikita sa General Appropriations Act (GAA).

Ayon kay Pangilinan na hindi mananahimik ang publiko na papayagan na pagtakpan ng Kongreso ang magkatambal na imbestigasyon ng Mababang Kapulungan at Senado.

“Naging makasaysayan ang pagmamartsa na naging epektibo upang maihatid ang galit ng taumbayan at ma-obliga ang opisyal na kumilos,” giit niya.

“Dahil alam niyo yung mga politiko mga sensitive rin yan sa ano ang pwedeng mangyari sa kanila—iboboto pa ba sila ulit o hindi? ‘Pag nakita nila ito – e malaking mensahe sa kanila. So dapat lang suportahan ang mga pagkilos na ‘to.”

Kinilala din ni Pangilinan ang pagtutok sa integridad ng Senado dahil nasasangkot ang ilang senador tulad nina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva sa anomalya, nakakatiyak naman na wala itong papanigan at nangakong ipagtatanggol ang katotohanan.

 “Let us see where the evidence will lead us. Let the evidence lead us to a conclusion kaya importante rin ang mga hearing na ‘to,” giit niya.

Sa harap ng maraming hamon, nananatiling umaasa ang senado at lumahok sa mamamayan sa Trillion Peso March saka hinikayat ang mamamayan na huwag mawalan ng pag-asa at itaguyod ang mapayapang pagkilos.

“’Wag tayong magbibitiw. Tuluy tuloy lang itong peaceful mobilizations dahil yan ang pinaka ‘katiyakan’ na makikinig ang ating mga naka upo,” aniya.