5 EDUCATION BILL NI CAYETANO, GANAP NANG BATAS

Ni Ernie Reyes

Mas pinalawak ang access sa dekalidad na college education sa ilang lalawigan matapos maging ganap na batas kamakailan ang limang panukalang inisponsor ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Ganap na naging batas nitong September ang mga panukalang nagtatatag at nagko-convert ng mga state universities and colleges (SUCs) sa Zamboanga del Sur, Sultan Kudarat, Cebu, at Guimaras Island.

Kabilang sa mga bagong batas ang:

• RA 12282 – Pag-convert ng Zamboanga del Sur School of Arts and Trades bilang Zamboanga del Sur Polytechnic State College (Setyembre 7)

• RA 12283 – Pagtatatag ng Sultan Kudarat State University College of Medicine (Setyembre 7)

RA 12284 – Pag-convert ng Cebu Normal University (CNU) Medellin Campus mula extension campus tungo sa regular campus (Setyembre 7)

• RA 12285 – Pag-convert ng Cebu Normal University (CNU) Balamban Campus mula extension campus tungo sa regular campus (Setyembre 7)

• RA 12286 – Pag-convert ng Guimaras State University Mosqueda at Baterna Campuses mula extension campuses tungo sa regular campuses (Setyembre 8)

Bilang noo’y tagapangulo ng Committee on Higher, Technical, and Vocational Education ng 19th Congress, pinangunahan ni Cayetano ang pagsulong sa mga nasabing batas hanggang maaprubahan sa Senado nitong Hunyo.

Aniya, makatutulong ang mga ito upang mabawasan ang siksikan sa mga kasalukuyang SUC, at mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na makapag-aral nang hindi na lalayo pa sa kanilang mga probinsya.

“Most of our state universities, ang problema ay overcrowded. The net effect of having more local state universities ay y’ung iba made-decongest, and not having to leave your province,” pahayag niya noong interpellation period.

“[And] if you have more state universities with different courses, better matching sa students,” dagdag pa niya.

Gayunman, binigyang-diin ng minority leader na ang pagtatatag o pag-convert ng SUCs ay unang hakbang pa lamang.

“Yes, a journey of a thousand miles begins with the first step. And if the first step is establishing these state universities or in the cases of conversions ay lalong pagandihin, [then] the major step really is providing the right resources,” aniya.

Binanggit ni Cayetano ang kanyang panukalang Makakapagtapos Ako Act of 2025, na naglalayong maglaan ng P25 bilyon kada taon sa loob ng sampung taon para pondohan ang imprastruktura, pagpapahusay ng mga pasilidad, at pagpapatayo ng mga dormitoryo para sa mga SUC students.

“By investing in the physical capacity of our public institutions, we complete the support system,” aniya.

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews