P255-B flood control funds, ipinalilipat ni Hontiveros sa pagtatayo ng 90k public hospital beds

Ni Ernie Reyes

Isinusulong ni Senador Risa Hontiveros ang realignment ng malaking bahagi ng P255 billion flood control funds sa 2026 budget upang ipagpapatayo ng 90,375 bed capacity gap sa public hospitals. 

Ipinanawagan ito ni Hontiveros sa  Department of Health (DOH) dahil aabot lamang sa 28,153 beds  ang aktuwal na kapasidad sa public hospitals, pero nakatakda sa batas na kailangan mayroong 118,528 beds sa buong bansa. 

“Sobrang layo ng agwat! Imbes na ma-ghost na naman tayo sa flood control, mas mabuting ibigay na lang sa DOH ang pondo para mapaliit ang bed capacity gap. Tigilan na ang siksikan,” ayon kay Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Health and Demography. 

“Pati pala sa mga hospital beds, kailangan ng catch up plan. It’s about time that Filipino patients stop competing for space and care,” aniya sa pagdinig. 

Umaasa si Hontiveros na ililipat ng Kongreso ang malaking bahagi ng  flood control funds sa hospital capacity, matapos banggitin na Malacañang ang nagsama sa  DOH programs sa kanialng “menu” ng ahensiya na mabibiyayaan sa  realignment.

Ilan sa binanggit ng Palasyo ang  Health Facilities Enhancement Program (HFEP), kabilang ang probisyon sa gamot at medical assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).

“Malacañang has already cleared the path. Kailangang mag-materialize itong 90,000 hospital beds—kumpleto sa equipment at health workers. Hindi yan mangyayari kung hahayaan lang natin tangayin ang pera ng taumbayan sa baha ng korapsyon habang nagsisiksikan ang dalawang tao o higit pa sa iisang kama sa ospital,” aniya. 

Nangako si Hontiveros na kanyang isusulong ang paghimok sa kapwa mambabatas na palakihin ang pondo sa health reforms sa 2026 budget.

 “We will work very closely together na patuloy na pondohan at higit na pondohan yung mga reporma sa kalusugan na patuloy na isusulong namin sa Senado,” ani Hontiveros. “Sisiguraduhin ko na sulit ang buwis natin, kapalit ang serbisyong deserve nating lahat.” 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews