PROFIT-SHARING NG SOLON, ENGINEERS SA FLOOD CONTROL GHOST PROJECTS, NABUKO SA SENADO

Ni Ernie Reyes

Ibinulgar ng dating undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Huwebes ang profit-sharing ng ilang mambabatas kabilang ang senador, at kongresista na kasangkot ang ilang engineer ng ahensiya sa nakukuhang komisyon sa ghost projects na kinasasangkutan ng bilyong halaga ng flood control funds.

Sa kanyang affidavit na isinumite sa Senate Blue Ribbon Committee sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa flood control scam, sinabi ni Roberto Bernardo na ilang engineers ng Bulacan 1st District Engineering Office ang gumagamit ng  “20-20-20-40” profit-sharing arrangement.

“Ito po ay ginagawa gamit ang lisensya ng ibang contractors, at nauwi sa mga ghost project,” ayon kay Bernardo.

Pinangalanan ni Bernador si  dating Bulacan 1st Assistant District Engineer Brice Hernandez bilang  “primary person responsible” sa operasyon.

“Kahit sa mga pagpupulong, si Brice po ang tinuturo ng mga kasamahan niya. Sinasabi nila, ‘Si Brice po iyan,” ayon kay Bernardo.

Sinabi pa ni Bernardo na isang  Maynard Ngu, kinilala bilang malapit na kaibigan at campaign contributor ni dating Senate President Francis Escudero, ang tumanggap ng PHP160 million.

“Ito po ay 20 percent ng PHP800-million na allocation sa Valenzuela at Marinduque projects,” aniya.

Mahigpit na pinabulaanan ni Escudero ang paratang ni Bernardo.

“I vehemently deny the malicious allegations and innuendos…he never had any contact with me directly regarding this matter—and I will prove that he is lying about my alleged involvement,” ani Escudero sa statement.

Aniya, bahagi ang testimonya ni Bernardo sa isang “well-orchestrated plan” upang sirain ang Senado habang inililigtas ang ilang sangkot.

“Puro talaga senador ang tinuturo?! Nasaan si Zaldy Co? Nasaan na si Rep. Martin Romualdez sa lahat ng ito,” ani Escudero.

Binanggit din ni Bernardo si dating Senador Ramon Revilla Jr., na tumanggap ng halagang P125 milyon habang nakakuha din si dating senador ngayon Makati City Mayor Nancy Binay ng 15 porsiyento bilang   “commitment” na nagkakahalagang PHP37 billion halaga ng proyekto.

Hinggil naman kay Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co,  sinabi ni Bernardo: “Ayon kay Engineer Alcantara, may hinihinging 25 percent commission si Congressman Zaldy Co sa mga projects. Dalawang porsyento dito ay pinaghahati-hatian namin.  

“Ang mga pahayag ko ay nakabatay sa personal na kaalaman at mga dokumento na hawak ko. Handa rin akong magsumite ng karagdagang affidavit kung kinakailangan,” giit pa ni Bernardo.

Humingi din ng proteksiyon si Bernardo sa pamahalaan sa pagbubulgar ng ganitong hatian.   

Inihayag naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla requested to process na isasailalim sa proeso ang sworn affidavit ni Bernardo upang matukoy kung maaari siyang isailalim sa  Witness Protection Program (WPP).

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews