MAHIHIRAP, Bibigyang Prayoridad sa Libreng Kolehiyo, hirit ni Bam sa DBM
ni Ernie Reyes
Hinikayat ni Senador Bam Aquino ang Department of Budget and Management (DBM) at ang Commission on Higher Education (CHED) na palakasin at palawakin ang scholarship programs ng gobyerno sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy (TES) para sa mga mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng educational institutions.
Sa budget hearing ng State Universities and Colleges (SUCs), ipinahayag ni Aquino ang kanyang pangamba sa pagbaba ng pondo para sa TES program nitong mga nakaraang taon.
Mula P23.4 bilyon noong 2024, bumaba ang TES budget sa P21.7 bilyon sa 2025, o P1.7 bilyon ang ibinawas. Lalo pang bumaba sa P20.7 bilyon ang TES budget sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program.

“I will not stand for it na pababa ang scholarships ng gobyerno, especially kung nagbibigay tayo ng ayuda na scholarship din naman ang purpose,” ani Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education at principal sponsor ng Free College Law.
“Iyong libreng kolehiyo na ito ay idaan sa mga eskuwelahan. I would prefer to give scholarships through institutions,” dagdag pa niya.
Mahalagang bahagi ng Free College Law o Republic Act 10931 ang TES program, na nagbibigay ng tulong sa mahihirap na estudyante para sa iba pang gastusin sa pag-aaral tulad ng pagkain, aklat, at allowance. Sinasaklaw din nito ang mga gastusin ng mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyanteng nais mag-aral sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad.
“Bakit ang trending natin ay pababa. Ito ang subsidy sa mga estudyante natin, both public and private universities. Our poor but deserving students need to have this,” dagdag ni Aquino.
Tinawag ni Aquino na hindi katanggap-tanggap ang pagbawas ng pondo, at iginiit na isusulong niya ang pagbalik ng TES budget sa antas nito noong 2024 2026 appropriations.
Kinuwestiyon din ng senador ang paliwanag ng DBM na mababa umano ang utilization rate ng CHED kaya binawasan ang pondo, sa pagsasabing marami pa ring estudyante ang naghahanap ng scholarship.
“Alam niyo po ba na napakaraming estudyanteng naghahanap ng scholarship. Alam niyo po na iyong No. 1 reason for dropping out is because of costs unrelated to tuition. I don’t think utilization is a proper excuse para dito,” giit ni Aquino.
Samantala, nangako si CHED Chairperson Shirley Agrupis na susuportahan ang inisyatibo ni Aquino para magbigay ng mas maraming scholarship sa pamamagitan ng mga institusyong pang-edukasyon.
Bilang vice chairperson ng Committee on Finance, muling inulit ni Aquino ang kanyang plano na ilipat ang bahagi ng 2026 flood control budget papunta sa edukasyon.
Una nang binigyang diin ni Aquino ang importansiya na iakma ang pondo sa kailangang suporta para mapalakas ang Free College Law para mas maraming estudyante ang makinabang.
“Ang maganda ngayon, i-match natin iyong budget, at iyong tulong, at iyong atensiyon dito po sa pagpupugay na iyong free college law ay ang pinakamagandang programa,” ani Aquino.
“Kada lugar na mapuntahan ko po, napakarami po—hindi lang estudyante, pati magulang—ang nagsasabi, ang laki ng tulong ng mga SUC sa buhay po nila. Marami pong lumalapit – anak ng mangingisda, anak ng sari-sari store owner, anak ng magsasaka – ‘Senator, magtatapos na po iyong anak ko, nakapagtapos na po iyong anak ko, engineer na po siya, police na po siya, guro na po siya,'” aniya pa.
